Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 103

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, (A)Oh kaluluwa ko:
At lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko,
At huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
(B)Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan;
(C)Na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
(D)Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak:
Na siyang nagpuputong sa iyo ng (E)kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay;
Na anopa't ang (F)iyong kabataan ay nababagong parang agila.
(G)Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa,
At ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
Kaniyang ipinabatid ang (H)kaniyang mga daan kay Moises,
Ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang Panginoon ay puspos (I)ng kahabagan at mapagbiyaya,
Banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
(J)Hindi siya makikipagkaalit na palagi;
Ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
10 (K)Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan,
Ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
11 (L)Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa,
Gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob (M)sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran,
Gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
13 (N)Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak,
Gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
14 Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo;
(O)Kaniyang inaalaala na (P)tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo:
Kung paanong namumukadkad ang (Q)bulaklak sa parang ay gayon siya.
16 Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam;
At ang dako niyaon ay hindi na malalaman.
17 Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya,
At ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa (R)mga anak ng mga anak;
18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan,
At sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,
19 Itinatag ng Panginoon ang (S)kaniyang luklukan sa mga langit;
At ang (T)kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.
20 (U)Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya:
Ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita,
Na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya;
(V)Ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.
22 (W)Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya,
Sa lahat na dako na kaniyang sakop;
(X)Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.

Mga Awit 148

Ang buong nilalang ay pinapagpupuri sa Panginoon.

148 Purihin ninyo ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon mula sa mga langit:
Purihin ninyo siya sa mga kaitaasan.
(A)Purihin ninyo siya, ninyong lahat niyang mga anghel:
Purihin ninyo siya, buo niyang hukbo.
Purihin ninyo siya, araw at buwan:
Purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag.
Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit,
(B)At ninyong tubig na nasa itaas ng mga langit.
Purihin nila ang pangalan ng Panginoon:
Sapagka't (C)siya'y nagutos, at sila'y nangalikha.
(D)Kaniya rin namang ipinagtatatag magpakailan-kailan man:
Siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
Purihin ninyo ang Panginoon mula sa lupa,
Ninyong mga buwaya, at lahat ng mga kalaliman:
Apoy at granizo, nieve at singaw;
Unos na hangin, na (E)gumaganap ng kaniyang salita:
(F)Mga bundok at lahat ng mga gulod;
Mga mabungang kahoy at lahat ng mga cedro:
10 Mga hayop at buong kawan;
Nagsisiusad na bagay at ibong lumilipad:
11 Mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan;
Mga pangulo at lahat ng mga hukom sa lupa:
12 Mga binata at gayon din ng mga dalaga;
Mga matanda at mga bata:
13 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon;
Sapagka't ang kaniyang pangalang magisa ay nabunyi:
Ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit.
14 At itinaas niya ang sungay ng kaniyang bayan,
Ang papuri ng lahat niyang mga banal;
Sa makatuwid baga'y ng mga anak ni Israel, (G)na bayang malapit sa kaniya.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Isaias 62:1-5

Ang kaluwalhatian ng Sion at ang kaniyang bagong pangalan.

62 Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang (A)kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.

(B)At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at (C)ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; (D)at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon.

Ikaw naman ay magiging (E)putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios.

(F)Hindi ka na tatawagin pang (G)Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin.

Sapagka't kung paanong ang binata ay nakikipagtipan sa dalaga, gayon nakikipagtipan ang iyong mga anak na lalake sa iyo; at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon (H)magagalak ang Dios sa iyo.

Isaias 62:10-12

10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; (A)inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; (B)mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.

11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, (C)Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, (D)Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang (E)kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

12 At tatawagin nila sila (F)Ang banal na bayan, (G)Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang (H)hindi pinabayaan.

Apocalipsis 19:11-16

11 At nakita kong bukas ang (A)langit; at narito, ang isang (B)kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na (C)Tapat at (D)Totoo; (E)at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka.

12 At ang (F)kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, (G)at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y (H)may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin.

13 At siya'y nararamtan (I)ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na (J)Ang Verbo ng Dios.

14 At ang mga hukbong (K)nasa langit ay sumusunod sa kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang (L)linong maputi at dalisay.

15 At (M)sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at (N)kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan (O)niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.

16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, (P) Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.

Mateo 1:18-25

18 (A)Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan (B)ng Espiritu Santo.

19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at (C)ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

20 Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya (D)sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

21 At siya'y manganganak ng isang lalake; (E)at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; (F)sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan (G)sa kanilang mga kasalanan.

22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao (H)at manganganak ng isang lalake,
At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel;

na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.

24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa;

25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978