Book of Common Prayer
Ang Dalawang Halimaw
13 At (A) nakita ko ang isang halimaw na umaahon mula sa dagat. Mayroon itong sampung sungay at pitong ulo; at sa mga sungay nito ay may sampung korona, at sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapaglapastangan. 2 Tulad (B) ng isang leopardo ang halimaw na nakita ko, ang mga paa nito ay tulad ng sa oso, at ang bibig ay parang sa leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan, ang trono, at ang kanyang malawak na pamamahala. 3 Ang isa sa mga ulo nito ay may malubhang sugat na maaari nitong ikamatay, subalit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig at sumunod sa halimaw. 4 Sinamba nila ang dragon dahil ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw, at sino ang may kakayahang lumaban sa kanya?”
5 Binigyan (C) ng halimaw ang isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan at mga kalapastanganan, at pinahintulutan nitong mamahala sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Sinimulan niyang lapastanganin ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, at ang tahanan ng Diyos, at ang mga naninirahan doon. 7 Pinahintulutan (D) din itong makipaglaban sa mga banal at daigin sila. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat lipi, bayan, wika, at bansa. 8 Lahat (E) ng naninirahan sa ibabaw ng lupa ay sasamba sa kanya, bawat isang ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay mula pa nang likhain ang sanlibutan.[a]
9 Makinig ang may pandinig:
10 (F) Sinumang matakdang mabihag,
sadyang mabibihag;
sinumang matakdang mamatay sa tabak,
sadyang mamamatay sa tabak.
Ito ay panawagan para sa pagtitiis at katapatan ng mga banal.
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”
Pagtitiwala sa Diyos(A)
22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.