Book of Common Prayer
17 Pagkaraan ng tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pinuno ng mga Judio sa lungsod. Nang sila'y matipon na, sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa ating bansa, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at ibinigay sa mga kamay ng mga Romano. 18 Matapos akong siyasatin, palalayain na sana ako ng mga Romano, sapagkat wala namang sapat na dahilan upang ako'y parusahan ng kamatayan. 19 Subalit (A) tumutol ang mga Judio, kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunma'y wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Nakagapos ako sa tanikalang ito dahil sa pag-asa ng bansang Israel. Ito ang dahilan kung bakit ko hiniling na makipagkita at makipag-usap sa inyo.” 21 Sumagot sila, “Wala kaming natatanggap na sulat galing sa Judea tungkol sa iyo. At sa mga kababayan naman nating pumunta rito ay walang sinumang nagbalita o nagsalita ng anumang masama laban sa iyo. 22 Gayunma'y ibig naming mapakinggan ang iyong mga saloobin. Alam namin na saan mang lugar ay maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito.” 23 Kaya't sila'y nagtalaga ng isang araw para sa kanya, at maraming nagtungo sa kanyang tinutuluyan pagsapit ng takdang araw na iyon. Mula umaga hanggang gabi ay nagpaliwanag at nagpatotoo sa kanila si Pablo tungkol sa paghahari ng Diyos. Sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus mula sa isinasaad ng Kautusan ni Moises at ng mga propeta. 24 May ibang naniwala sa kanyang sinabi at may iba namang hindi. 25 At nang hindi sila magkaisa, umalis sila matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pahayag: “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu nang sabihin niya sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias,
26 ‘Pumaroon (B) ka sa sambayanang ito at sabihin mo,
Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
tingnan man ninyo nang tingnan, hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
ipinikit na nila ang kanilang mga mata;
Sapagkat ayaw na nilang makakita ang kanilang mga mata,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang kanilang puso, at magbalik-loob sa akin,
at sila'y aking pagalingin.’
28 Kaya nais kong sabihin sa inyo na ipinararating na sa mga Hentil ang kaligtasang ito mula sa Diyos, at pakikinggan nila ito!” 29 [Matapos niyang sabihin ang mga ito ay umalis na ang mga Judio at mahigpit na nagtalu-talo.][a] 30 Dalawang taóng nanirahan sa Roma si Pablo, sa bahay na kanyang inuupahan. Tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Buong tapang at malaya niyang ipinangangaral ang mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(A)
37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)
Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.
Sino ang Pinakadakila?(C)
46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(D)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.