Book of Common Prayer
Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,
“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (A) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 25 At ngayo'y nalalaman kong hindi na ninyo ako makikita pang muli, kayong lahat na aking napuntahan at napangaralan tungkol sa paghahari ng Diyos. 26 Kaya nga sa araw na ito'y sinasabi ko sa inyong hindi ko na ságutin pa ang buhay[a] ng sinuman sa inyo. 27 Sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasyahan ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat itinalaga kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[b] na tinubos niya ng kanyang sariling dugo. 29 Alam kong pag-alis ko'y papasok sa gitna ninyo ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na pupuksain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyong mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga kasinungalingan, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. 31 Kaya't mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong may pagluhang nagbigay ako sa inyo ng babala araw at gabi sa loob ng tatlong taon. 32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salitang naghahayag ng kanyang kagandahang-loob, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana kasama ang lahat ng mga hinirang. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ang ginto, o ang damit ninuman. 34 Kayo mismo ang nakaaalam na ginamit ko ang aking mga kamay upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gayundin ng aking mga kasamahan. 35 Ipinakita ko sa lahat ng pagkakataon na sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap ay dapat ninyong tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ ” 36 Pagkatapos niyang magsalita, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Nag-iiyakan silang lahat, niyakap, at hinagkan si Pablo. 38 Ikinalulungkot nila nang higit sa lahat ang kanyang sinabi na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Matapos ito, siya'y inihatid nila sa barko.
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang si Jesus ay nakatayo sa baybay ng lawa ng Genesaret at habang nag-uunahang palapit sa kanya ang mga tao upang makinig sa salita ng Diyos, 2 nakita niya ang dalawang bangkang nakadaong sa tabi ng lawa. Wala na sa mga bangka ang mga mangingisda dahil naghuhugas na ng kanilang mga lambat. 3 Sinakyan niya ang bangka na pag-aari ni Simon. Hiniling niya kay Simon na sumagwan nang kaunti palayo sa lupa. Umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. 4 Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dumako kayo sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” 5 Sumagot si Simon, “Ginoo, buong magdamag po kaming nagtiyaga ngunit wala kaming nahuli. Subalit dahil sa inyong utos, ihuhulog ko ang lambat.” 6 Pagkagawa nila nito, nakahuli sila ng napakaraming isda na halos ikapunit ng kanilang mga lambat. 7 Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahan sa kabilang bangka upang lumapit at tumulong sa kanila. Lumapit nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang sa halos lumubog na ang mga ito. 8 Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus habang sinasabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y taong makasalanan.” 9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang mga kasama ay namangha dahil sa nahuli nilang mga isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, ikaw ay magiging tagapangisda na ng mga tao.” 11 Nang maidaong na nila sa lupa ang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.