Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 70-71

Sa Pangulong Manunugtog. (A)Awit ni David; upang umalaala.

70 (B)Magmadali ka, Oh Dios, na iligtas mo ako;
Magmadali ka na tulungan mo ako, Oh Panginoon.
Mangapahiya at mangalito sila,
Na nagsisiusig ng aking kaluluwa:
Mangapatalikod sila at mangadala sa kasiraang puri.
Silang nangaliligaya sa aking kapahamakan.
(C)Mangapatalikod sila dahil sa kanilang kahihiyan.
Silang nangagsasabi, Aha, Aha.
Mangagalak at mangatuwa sa iyo ang lahat na nagsisihanap sa iyo;
At magsabing lagi yaong umiibig ng iyong kaligtasan:
Dakilain ang Dios.
Nguni't ako'y dukha at mapagkailangan;
(D)Magmadali ka sa akin, Oh Dios:
Ikaw ay aking katulong at aking tagapagligtas;
Oh Panginoon, huwag kang magluwat.

Panalangin ng isang matandang tao sa pagliligtas.

71 Sa iyo (E)Oh Panginoon, nanganganlong ako:
Huwag akong mapahiya kailan man.
(F)Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako:
(G)Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
(H)Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi:
(I)Ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako;
Sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
Sagipin mo ako, (J)Oh aking Dios, sa kamay ng masama,
Sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
Sapagka't ikaw ay (K)aking pagasa, Oh Panginoong Dios:
Ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
(L)Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata:
Ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina:
Ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
(M)Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami;
Nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y (N)mapupuno ng pagpuri sa iyo,
At ng iyong karangalan buong araw.
(O)Huwag mo akong itakuwil sa katandaan;
Huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.
10 Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin:
At silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,
11 Na nangagsasabi, Pinabayaan siya ng Dios:
Iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas.
12 (P)Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin:
Oh Dios ko, (Q)magmadali kang tulungan mo ako.
13 (R)Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa;
Mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
14 Nguni't ako'y maghihintay na palagi,
At pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.
15 (S)Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran,
At ng iyong pagliligtas buong araw;
(T)Sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang.
16 Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios:
Aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang.
17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan;
At hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
18 Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan;
Hanggang sa aking maipahayag ang (U)iyong kalakasan sa sumusunod na lahi,
Ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating.
19 (V)Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas;
Ikaw na (W)gumawa ng dakilang mga bagay,
(X)Oh Dios, sino ang gaya mo.
20 (Y)Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan,
(Z)Bubuhayin mo uli kami,
At ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.
21 Palaguin mo ang aking kadakilaan,
At bumalik ka uli, at aliwin mo ako.
22 Pupurihin din kita ng salterio,
Ang iyong katotohanan, Oh Dios ko;
Sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa,
(AA)Oh ikaw na Banal ng Israel.
23 Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo;
At ang (AB)kaluluwa ko, na iyong tinubos.
24 (AC)Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw:
(AD)Sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.

Mga Awit 74

Masquil ni Asaph.

74 Oh Dios, bakit mo itinakuwil (A)kami magpakailan man?
Bakit ang iyong galit ay (B)umuusok laban sa mga (C)tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapisanan (D)na iyong binili ng una,
Na iyong tinubos upang maging lipi ng (E)iyong mana;
At ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga paa (F)sa mga walang hanggang guho,
Ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.
(G)Ang mga kaaway mo'y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan;
(H)Kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.
Sila'y tila mga tao na nangagtaas
Ng mga palakol sa mga kakahuyan.
At ngayo'y lahat (I)ng gawang inanyuan doon.
Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.
(J)Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario;
Kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.
(K)Kanilang sinabi sa kanilang puso,
Ating gibaing paminsan:
Kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga tanda:
(L)Wala nang propeta pa;
At wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?
11 (M)Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan?
Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.
12 Gayon ma'y ang (N)Dios ay aking Hari ng una,
Na nagliligtas sa gitna ng lupa.
13 (O)Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan:
(P)Iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga (Q)buwaya sa mga tubig.
14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng (R)leviatan,
Ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.
15 (S)Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog:
(T)Iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.
16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin:
Iyong inihanda ang liwanag at ang araw.
17 Iyong (U)inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa:
Iyong ginawa ang taginit at taginaw.
18 (V)Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon,
At nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.
19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa (W)ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop:
Huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.
20 (X)Magkaroong pitagan ka sa tipan:
Sapagka't ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.
21 (Y)Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi:
Pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap:
Alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.
23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway:
Ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.

Levitico 19:26-37

26 (A)Huwag kayong kakain ng anomang may dugo: (B)ni huwag kayong mag-eenkanto ni magpapamahiin.

27 (C)Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni huwag mong sisirain ang mga dulo ng iyong balbas.

28 (D)Huwag ninyong kukudlitan ang inyong laman dahil sa namatay: ni huwag ninyong lilimbagan ang inyong laman ng anomang tanda; ako ang Panginoon.

29 (E)Huwag mong hahamakin ang iyong anak na babae, na siya'y iyong pagmamasamaing babae: baka ang lupain ay malugmok sa pakikiapid, at mapuno ang lupain ng kasamaan.

30 (F)Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang (G)aking santuario: ako ang Panginoon.

31 (H)Huwag ninyong babalikan ang mga inaalihan ng masasamang espiritu ni ang mga mangkukulam: huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila: ako ang Panginoon ninyong Dios.

32 (I)Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.

33 (J)At kung ang isang taga ibang bayan ay nakikipamayan na kasama ninyo sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagawan ng masama.

34 (K)Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, (L)at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili; sapagka't naging taga ibang bayan kayo sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.

35 Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol, sa pagsukat, sa pagtimbang, o sa pagtakal.

36 (M)Timbangang matuwid, panimbang na matuwid, epa[a] na matuwid at hin[b] na matuwid ang aariin ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.

37 At inyong iingatan ang lahat ng aking palatuntunan, at ang lahat ng aking kahatulan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon.

2 Tesalonica 1

Si (A)Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo;

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.

Kami ay nararapat, mga kapatid, na (B)mangagpasalamat na lagi sa Dios dahil sa inyo, gaya ng marapat, dahil sa ang inyong pananampalataya ay lumalaking lubha, at ang pagibig ng bawa't isa sa iba't iba sa inyong lahat ay sumasagana;

Ano pa't (C)kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa (D)mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya (E)sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis;

Na isang tandang hayag (F)ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo'y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito'y nangagbabata rin naman kayo:

Kung isang bagay na (G)matuwid sa Dios na gantihin ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo,

At kayong mga pinighati ay (H)bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag (I)ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang mga anghel ng kaniyang kapangyarihan na nasa nagniningas na apoy,

(J)Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:

Na siyang (K)tatangap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula (L)sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.

10 Pagka paririto siya (M)upang luwalhatiin sa kaniyang mga banal, at upang siya'y maging kahangahanga (N)sa lahat ng mga nagsisampalataya sa araw na yaon (sapagka't ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan).

11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo'y ariing karapatdapat ng ating Dios sa pagkatawag sa inyo, at ganaping may kapangyarihan ang bawa't nais sa kabutihan at (O)gawa ng pananampalataya;

12 Upang ang pangalan (P)ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kaniya, ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesucristo.

Mateo 6:25-34

25 (A)Kaya nga sinasabi ko sa inyo, (B)Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit?

26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?

27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag (C)ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man:

29 Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si (D)Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

30 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh (E)kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?

32 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; (F)yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Datapuwa't (G)hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978