Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 145

Ang Panginoon ay pinarangalan sa kaniyang kagalingan at kapangyarihan. (A)Awit na pagpuri; ni David.

145 Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari;
At aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
Araw-araw ay pupurihin kita;
At aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
(B)Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin;
At ang (C)kaniyang kadakilaan ay hindi masayod.
(D)Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa.
At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa.
Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan,
At sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako.
At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
At aking ipahahayag ang iyong kadakilaan.
Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan,
At aawitin nila ang iyong katuwiran.
(E)Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan;
Banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.
(F)Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
At ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa.
10 (G)Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon;
(H)At pupurihin ka ng iyong mga banal.
11 Sila'y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian,
At mangungusap ng iyong kapangyarihan;
12 (I)Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa,
At ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian.
13 (J)Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
At ang kapangyarihan mo'y sa lahat ng sali't saling lahi.
14 (K)Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal,
At itinatayo yaong nangasusubasob.
15 (L)Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo;
At iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
16 Iyong binubuksan ang iyong kamay,
At sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay.
17 (M)Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan,
At mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa.
18 (N)Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya,
Sa lahat na nagsisitawag sa kaniya (O)sa katotohanan.
19 Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya;
Kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila.
20 (P)Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya;
Nguni't lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon;
(Q)At purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man.

Mga Awit 104

Ang pagiingat ng Panginoon sa lahat niyang gawa.

104 Purihin mo ang Panginoon, (A)Oh kaluluwa ko.
Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila;
(B)Ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.
Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan;
Na siyang naguunat ng mga langit na (C)parang tabing:
(D)Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig;
(E)Na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro;
(F)Na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:
(G)Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya;
(H)Ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:
Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa,
Upang huwag makilos magpakailan man,
Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan;
Ang tubig ay tumatayo (I)sa itaas ng mga bundok.
(J)Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas;
Sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;
Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis,
(K)Sa dako mong itinatag ukol sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan (L)upang sila'y huwag makaraan;
(M)Upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
Nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:
11 Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang;
Nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid,
Sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid:
Ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.
14 (N)Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop,
At ang gugulayin sa paglilingkod sa tao:
Upang siya'y maglabas (O)ng pagkain sa lupa:
15 (P)At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao,
At ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha,
At ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.
16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog;
Ang mga (Q)sedro sa Libano, (R)na kaniyang itinanim;
17 Na pinamumugaran ng mga ibon:
Tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.
18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing;
Ang mga malalaking bato ay kanlungan (S)ng mga coneho.
19 (T)Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon:
Nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.
20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi;
Na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.
21 (U)Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila,
At hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.
22 Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
At nangahihiga sa kanilang mga yungib.
23 Lumalabas ang tao sa (V)kaniyang gawain,
At sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.
24 (W)Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat:
Ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.
25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang,
Na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay,
Ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.
26 Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan:
Nandoon (X)ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.
27 (Y)Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo,
Upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.
28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila;
Iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.
29 (Z)Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag;
(AA)Iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay,
(AB)At nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.
30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang;
At iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man;
(AC)Magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:
32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig:
(AD)Kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.
33 (AE)Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay:
Ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.
34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay:
Ako'y magagalak sa Panginoon.
35 (AF)Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
At mawala nawa ang masama.
Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Exodo 13:17-14:4

17 At nangyari, nang tulutan ni Faraon na ang bayan ay yumaon, na hindi sila pinatnubayan ng Dios sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit; sapagka't sinabi ng Dios, (A)Baka sakaling ang bayan ay magsisi pagkakita ng pagbabaka, at magsipagbalik sa Egipto:

18 Kundi pinatnubayan ng Dios ang bayan sa (B)palibot, sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Mapula: at ang mga anak ni Israel ay sumampang nangakasakbat mula sa lupain ng Egipto.

19 At dinala ni Moises ang mga buto ni Jose: sapagka't kaniyang ipinanumpang mahigpit sa mga anak ni Israel, na sinasabi, (C)Tunay na dadalawin kayo ng Dios; at inyong isasampa ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.

20 (D)At sila'y naglakbay mula sa Succoth, at humantong sa Etham, sa hangganan ng ilang.

21 (E)At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.

Hinabol sila ni Faraon.

14 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, (F)na sila'y bumalik at humantong sa tapat ng (G)Pi-hahiroth, sa pagitan ng (H)Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat.

At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila'y naliligid ng ilang.

(I)At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila (J)at kayo'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at (K)malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon.

2 Corinto 4:16-5:10

16 Kaya nga (A)hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't (B)ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw.

17 Sapagka't ang aming magaang kapighatian, (C)na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;

18 Samantalang kami ay nagsisitingin hindi (D)sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.

Sapagka't nalalaman namin na kung masira (E)ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na (F)hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan.

Sapagka't tunay na sa ganito (G)kami ay nagsisihibik, na nangagnanasang mabihisan kami ng aming tahanang mula sa langit:

Na kung (H)mabihisan nga kami niyaon ay hindi kami mangasusumpungang hubad.

Sapagka't tunay na kaming nangasa tabernakulong ito ay nagsisihibik, na nangabibigatan; hindi sa ninanasa naming maging hubad, kundi ninanasa naming kami'y (I)bihisan, upang ang may kamatayan ay lamunin ng buhay.

Ngayon ang gumawa sa amin ng bagay ding ito ay ang Dios, na nagbigay (J)sa amin ng patotoo ng Espiritu.

Kaya nga kami'y laging malakas ang loob, at nalalaman namin na, samantalang kami ay nangasa tahanan sa katawan, ay wala kami sa harapan ng Panginoon.

(Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan (K)ng pananampalataya, (L)hindi sa pamamagitan ng paningin);

Na malakas ang loob namin, ang sabi ko, at (M)ibig pa nga namin ang mawala sa katawan, at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.

Kaya't ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya.

10 Sapagka't tayong (N)lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawa't isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.

Marcos 12:18-27

18 At nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabi na walang pagkabuhay na maguli; at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi,

19 Guro, isinulat sa amin ni Moises, (A)Kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, ay kukunin ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawa, at bigyan ng anak ang kaniyang kapatid.

20 May pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at nang mamatay ay walang naiwang anak;

21 At nagasawa sa bao ang pangalawa, at namatay na walang naiwang anak; at gayon din naman ang pangatlo:

22 At ang ikapito'y walang naiwang anak. Sa kahulihulihan ng lahat ay namatay naman ang babae.

23 Sa pagkabuhay na maguli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.

24 Sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kaya nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Dios?

25 Sapagka't sa pagbabangon nilang muli sa mga patay, ay hindi na mangagaasawa, ni papagaasawahin pa; kundi gaya ng mga anghel sa langit.

26 Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol (B)sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, (C)Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob?

27 Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978