Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
    tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
    nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
    sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
    pinakinggan niya ang aking paghibik.

Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
    pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
    sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
    mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
    makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
    sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
    maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
    at mula sa ulap, bumuhos kaagad
    ang maraming butil ng yelo at baga.

13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
    nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
    sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
    mga pundasyon ng lupa ay nahayag.

16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
    sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
    ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
    ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
    ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
    tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
    sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
    inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
    upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.

35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
    sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
    sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
    ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
    di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
    sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
    at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
    mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
    tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
    sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
    sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
    kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
    maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    nanginginig papalabas sa kanilang muog.

46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
    matibay kong muog, purihin ng lahat!
    Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
    mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48     at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.

Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
    sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
    ang karangalan mo'y aking aawitin,
    ang iyong pangalan, aking sasambahin.

50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
    tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
    kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.

Isaias 2:12-22

12 Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw,
    laban sa lahat ng palalo at mayabang,
    laban sa lahat ng mapagmataas;
13 laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon,
    at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok
    at mga burol;
15 laban sa lahat ng matataas na tore
    at matitibay na pader;
16 laban sa mga malalaking barko,
    at magagandang sasakyang dagat.
17 Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain,
    at ang mga maharlika ay pababagsakin,
    pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18 at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19 Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato
    at sa mga hukay sa lupa,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh;
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki,
ang mga rebultong yari sa ginto at pilak
    na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21 Magtatago sila sa mga yungib na bato
    at sa mga bitak ng matatarik na burol,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22 Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao.
    Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho.
    Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?

1 Tesalonica 3

Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at(A) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Ngayon(B) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][b]

Lucas 20:27-40

Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

27 Ilang(B) Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong walang muling pagkabuhay ng mga patay. 28 Sabi(C) nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang batas na ito, ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki'y dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 29 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito. At silang lahat ay namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan, namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”

34 Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na mapasama sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y napabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging(D) si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa salaysay tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ 38 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y nabubuhay ang lahat.”

39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.