Book of Common Prayer
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.
113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno
82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
Sa gitna ng mga hukom[c] siya ang humahatol sa kanila.
2 Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
4 Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
5 Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
6 Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
7 Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
8 Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.
73 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa mga bayan na kung saan nagmula ang kanilang pamilya, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, ang mga mang-aawit, at ang mga utusan sa templo.
Binasa ni Ezra ang Kautusan
Nang dumating ang ikapitong buwan, nang nakatira na ang mga Israelita sa mga bayan nila, 8 1 nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.
2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan.
5 Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. 6 Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.
7 Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Sherebia, Jamin, Akub, Shabetai, Hodia, Maaseya, Kelita, Azaria, Jozabad, Hanan, at Pelaya. 8 Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[a] para maunawaan ng mga tao.
9 Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.” 11 Sinabi rin ng mga Levita, “Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Kaya umuwi ang lahat ng tao para kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Dios na binasa sa kanila.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol
13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita para mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon na pumunta sila sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, mirto, palma, at ng iba pang mga kahoy na malago para gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan.
16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa patag na bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng templo ng Dios, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila. 18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Dios, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila para sumamba sa Panginoon, ayon sa Kautusan.
21 Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya, “Katulad nito ang pagkawala ng sikat na lungsod ng Babilonia, dahil hindi na siya makikitang muli. 22 Hindi na maririnig ang mga pagtugtog ng alpa, plauta at trumpeta, at ang tinig ng mga mang-aawit. Hindi na makikita roon ang mahusay na mga manggagawa ng anumang uri ng gawain, at hindi na rin maririnig ang ingay ng mga gilingan. 23 Magiging madilim doon, dahil wala nang ilaw kahit isa. Wala na ring masayang tinig ng bagong kasal na mapapakinggan. Mangyayari ito sa kanya dahil ang mga negosyante niya ay masyadong mapagmataas, at dinaya niya ang lahat sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At ang lungsod na iyon ang pumatay sa mga propeta at sa mga pinabanal ng Dios, at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®