Book of Common Prayer
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
4 Bago ito nangyari, si Eliashib na pari, na namamahala ng mga bodega sa templo ng aming Dios at kamag-anak ni Tobia, 5 ay nagpahintulot kay Tobia na gamitin ang malaking kwarto sa templo. Ang kwartong ito ay ginagamit noon na bodega para sa mga handog na pagkain, insenso, mga kagamitan sa templo, mga handog sa mga pari, mga ikapu ng mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis, na ayon sa Kautusan ay para sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo. 6 Wala pa ako sa Jerusalem nang mangyari ito, dahil noong ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses sa Babilonia, pumunta ako sa kanya. Kinalaunan, pinayagan din niya ako 7 na makabalik sa Jerusalem. At pagdating ko, nalaman ko ang masamang ginawa ni Eliashib na nagpatira kay Tobia sa kwarto na nasa harapan ng templo ng Dios. 8 Sa tindi ng galit ko, pinagtatapon ko ang lahat ng kagamitan ni Tobia palabas ng kwarto. 9 Agad kong iniutos na linisin ang kwarto. At pagkatapos, pinabalik ko roon ang mga kagamitan ng templo pati ang mga handog na pagkain at ang insenso.
10 Nalaman ko rin na ang mga Levita ay hindi na nabigyan ng bahagi na para sa kanila, kaya sila at ang mga mang-aawit na pinagkatiwalaan ng mga gawain sa templo ay nagsiuwi para magsaka. 11 Kaya pinagsabihan ko ang mga opisyal, “Bakit pinapabayaan nʼyo ang templo ng Dios?” Ipinatawag ko agad ang mga Levita at ang mga mang-aawit at pinabalik sa mga gawain nila sa templo. 12 At muli ang lahat ng mamamayan ng Juda ay nagdala ng ikapu ng kanilang mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis doon sa mga bodega. 13 Ang pinamahala ko sa mga bodega ay si Shelemia na pari, si Zadok na tagapagturo ng kautusan, at ang Levitang si Pedaya. Pinatulong ko rin sa kanila si Hanan na anak ni Zacur at apo ni Matania. Sila ang pinili ko dahil maaasahan sila. Ipinagkatiwala ko rin sa kanila ang pamamahagi ng mga pangangailangan ng kapwa nila manggagawa sa templo.
14 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at huwag kalimutan ang tapat kong paglilingkod para sa inyong templo at sa mga gawain dito.”
15 Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno para dalhin sa Jerusalem at ipagbili. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ipagbili ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga. 16 Mayroon ding mga taga-Tyre na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ipinagbili nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa araw ding iyon ng Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, “Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Hindi ba ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Dios? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Dios dahil sa ginagawa ninyo, dahil hindi ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga.”
19 Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng lungsod tuwing Biyernes[a] habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan para walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi. 21 Pero binalaan ko sila. Sinabi ko, “Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, parurusahan ko kayo.” Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga.
At saka ako nanalangin, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.”
Ang Babae at ang Dragon
12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. 2 Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.
3 May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. 4 Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. 5 At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
7 Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. 8 Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. 9 Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.
10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
53 Pagkatapos mangaral ni Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga ay umalis na siya. 54 Pumunta siya sa sarili niyang bayan at nangaral doon sa kanilang sambahan. Nagtaka sa kanya ang mga kababayan niya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan at ang kapangyarihang gumawa ng himala? 55 Hindi baʼt anak siya ng karpintero? Hindi baʼt si Maria ang kanyang ina at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56 Hindi baʼt ang lahat ng kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin? Saan niya nakuha ang ganyang kakayahan?” 57 At hindi nila siya pinaniwalaan. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban lang sa sarili niyang bayan at pamilya.” 58 Kaya hindi gumawa si Jesus ng maraming himala roon dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®