Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan
55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig na ako sa sobrang takot.
6 At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”
9 Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Ang Karunungan at Kalinga ng Dios
139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
2 Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
3 Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
5 Lagi ko kayong kasama,
at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
6 Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
hindi ko kayang unawain.
7 Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[b] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8 Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
9 At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.
11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.
13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
19 O Dios, patayin nʼyo sana ang masasama!
Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!
20 Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo.
Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo.
Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.
22 Labis ko silang kinamumuhian;
ibinibilang ko silang mga kaaway.
23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.
Hinadlangan ang Pagpapatayo ng Pader
4 Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Judio. 2 Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Judiong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato ng pader!” 3 Sinabi pa ng Ammonitang si Tobia na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat[a] lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”
4 Agad akong nanalangin, “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. 5 Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak[b] nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader.”
6 Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa. 7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia, at ng mga taga-Arabia, taga-Ammon, at mga taga-Ashdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila. 8 Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem para guluhin kami. 9 Subalit nanalangin kami sa aming Dios at naglagay ng mga guwardya araw at gabi para maprotektahan ang mga sarili namin.
10 Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”
11 Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”
12 Ang mga Judio na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay. 13 Kaya naglagay ako ng mga tao para magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso. 14 Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo para mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Dios ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader. 16 Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda 17 na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata, 18 at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.
19 Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at malalayo ang ating pagitan habang nagtatrabaho, 20 kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Dios natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”
21 Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata. 22 Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi para magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila. 23 Dahil palagi kaming nagbabantay, ako at ang mga kamag-anak ko, mga tauhan, at mga guwardya ay hindi na nakapagpalit ng damit. At kahit pumunta sa tubig ay dala-dala namin ang aming mga sandata.
4 Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa 12 lahi ng Israel.
5 12,000 mula sa lahi ni Juda;
12,000 mula sa lahi ni Reuben;
12,000 mula sa lahi ni Gad;
6 12,000 mula sa lahi ni Asher;
12,000 mula sa lahi ni Naftali;
12,000 mula sa lahi ni Manase;
7 12,000 mula sa lahi ni Simeon;
12,000 mula sa lahi ni Levi;
12,000 mula sa lahi ni Isacar;
8 12,000 mula sa lahi ni Zebulun;
12,000 mula sa lahi ni Jose;
12,000 mula sa lahi ni Benjamin.
Ang mga Tao sa Harap ng Trono ng Dios
9 Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” 11 Tumayo ang mga anghel sa palibot ng trono, ng mga namumuno, at ng apat na buhay na nilalang. At lumuhod sila sa harap ng trono at sumamba sa Dios. 12 Sinabi nila, “Amen! Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin siya magpakailanman! Amen!”
13 Tinanong ako ng isa sa 24 na namumuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Tupa. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nasa harap sila ng trono ng Dios. Naglilingkod sila sa kanya araw at gabi sa kanyang templo. At ang Dios mismo na nakaupo sa kanyang trono ang siyang kumakalinga sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw pang muli. At hindi na rin mabibilad sa init o mapapaso sa sinag ng araw. 17 Sapagkat ang Tupang nasa trono ang magiging pastol nila, at dadalhin sila sa mga bukal na nagbibigay-buhay, at papahirin na ng Dios ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
31 Ikinuwento pa sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng isang buto ng mustasa[a] na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halamang gulay, na parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)
33 Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Jesus: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng pampaalsang inihalo ng babae sa isang malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
Ang Paggamit ni Jesus ng mga Paghahalintulad o mga Talinghaga(C)
34 Gumamit si Jesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios. Hindi siya nangaral sa mga tao nang hindi sa pamamagitan nito. 35 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Dios sa pamamagitan ng kanyang propeta:
“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad.
Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®