Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 63

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
    sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
    kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
    ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
    Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.

Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
    at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.

15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
    sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
    nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
    ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
    at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.

19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
    mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
    kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
    kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
    sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!

Isaias 47

Hahatulan ang Babilonia

47 Sinabi(A) ni Yahweh sa Babilonia,

“Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa.
Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig.
Ngunit hindi ka na ganoon ngayon,
    isa ka nang alipin!
Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina.
Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan;
    itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan.
Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan,
    mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan.
Walang makakapigil sa aking gagawin.
    Ako'y maghihiganti.”

Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel.
    Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.

Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim,
    sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian.
Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko,
    sila'y aking itinakwil;
aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin.
    Pinarusahan mo silang walang awa,
    pati matatanda'y pinagmalupitan mo.
Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon.
    Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw.

“Pakinggan(B) mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan,
    at nag-aakalang ikaw ay matiwasay.
Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos,
    at ang paniwala mo'y wala kang katulad;
inakala mong hindi ka mabibiyuda,
    at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak.
Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit,
anumang salamangka o mahika ang iyong gawin,
    mangyayari ang dalawang bagay na ito:
Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak!

10 “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan;
    sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo.
Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman,
    ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos,
    wala nang hihigit pa sa iyo.
11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan,
    at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka;
    darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan.
Biglang darating sa iyo ang pagkawasak,
    na hindi mo akalaing mangyayari.

12 “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan,
baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway.
13 Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo;
patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo,
    sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.

14 “Sila'y parang dayaming masusunog,
    kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy;
sapagkat ito'y hindi karaniwang init
    na pampaalis ng ginaw.
15 Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo
    na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.
Sapagkat ikaw ay iiwan na nila,
    walang matitira upang iligtas ka.”

Mga Hebreo 10:19-31

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. 26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(B) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(C) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(D) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(E) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!

Juan 5:2-18

Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[a] Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][b]

May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”

Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.

Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(A) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”

12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.

14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”

15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.

17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(B) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.