Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
upang hindi laitin ng mga kaaway.
21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
nang ang iyong tulong ay aking hingin.
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
2 Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
3 Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
4 Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
5 Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
6 Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
7 Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
8 Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
9 Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14 Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
18 Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
siya rin ang lumikha ng daigdig,
ginawa niya itong matatag at nananatili,
at mainam na tirahan.
Siya ang maysabing, “Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos.
19 Lahat ng salita ko'y sinasabi nang hayagan,
isa man sa layunin ko'y hindi inililihim.
Hindi ko pinahirapan ang Israel
sa paghanap sa akin.
Ako si Yahweh, sinasabi kong lahat ang katotohanan,
at inihahayag ko kung ano ang tama.”
Si Yahweh ng Sanlibutan at ang mga Diyus-diyosan ng Babilonia
20 Sinabi ni Yahweh,
“Halikayong lahat na mga natitirang buháy mula sa lahat ng bansa;
kayong mga mangmang na nagpapasan ng mga imaheng kahoy
at dumadalangin sa mga diyus-diyosan na hindi makakapagligtas.
Ang mga taong ito'y walang nalalaman.
21 Ipagtanggol ninyo ang inyong panig.
Magsanggunian kayo.
Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
Walang ibang diyos maliban sa akin.
22 Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas,
kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang diyos maliban sa akin.
23 Ako(A) ay tapat sa aking pangako
at hindi magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:
‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
at mangangakong sila'y magiging tapat sa akin!’
24 “Sasabihin nila, si Yahweh lamang ang matuwid at malakas;
at mapapahiya ang sinumang sa kanya'y maghimagsik.
25 Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel;
sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin.”
Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak
6 Mga(A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,][a] sapagkat ito ang nararapat. 2 “Igalang(B) mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: 3 “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.”
4 Mga(C) magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.
Katuruan para sa mga Alipin at mga Amo
5 Mga(D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. 6 Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.
9 Mga(E) amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(A)
35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”
39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.
40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”
41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.