Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
    tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
    nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
    sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
    pinakinggan niya ang aking paghibik.

Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
    pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
    sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
    mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
    makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
    sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
    maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
    at mula sa ulap, bumuhos kaagad
    ang maraming butil ng yelo at baga.

13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
    nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
    sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
    mga pundasyon ng lupa ay nahayag.

16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
    sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
    ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
    ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
    ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
    tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
    sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
    inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
    upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.

35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
    sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
    sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
    ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
    di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
    sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
    at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
    mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
    tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
    sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
    sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
    kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
    maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    nanginginig papalabas sa kanilang muog.

46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
    matibay kong muog, purihin ng lahat!
    Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
    mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48     at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.

Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
    sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
    ang karangalan mo'y aking aawitin,
    ang iyong pangalan, aking sasambahin.

50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
    tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
    kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.

Isaias 41:17-29

17 “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan,
    na halos matuyo ang kanilang lalamunan,
akong si Yahweh ang gagawa ng paraan;
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
18 Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol,
    aagos ang masaganang tubig sa mga libis;
gagawin kong lawa ang disyerto,
    may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
19 Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar,
    kahoy na olibo at saka ng mirto;
    kahoy na sipres, alerses at pino.
20 At kung magkagayon,
    makikita nila at mauunawaan
na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    ang gumawa at lumikha nito.”

Walang Kabuluhang mga Diyus-diyosan

21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Hari ni Jacob:
    “Kayo ay lumapit, mga diyus-diyosan, ang panig ninyo ay ipaglaban.
22 Lumapit kayo at inyong hulaan
    ang mga mangyayari sa kinabukasan.
Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman,
    upang pagtuunan ng aming isipan,
    ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan.
23 Maniniwala kaming kayo nga ay diyos
    kapag ang hinaharap inyong mahulaan.
Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama,
    nang kami'y masindak o kaya'y manghina.
24 Kayo at ang inyong gawa'y walang kabuluhan;
    ang sumasamba sa inyo ay kasuklam-suklam.

25 “Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan,
    at aking pinasasalakay mula sa hilaga.
Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari,
    tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok.
26 Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari,
    para masabi naming siya ay tama?
Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo.
27 Akong si Yahweh ang unang nagbalita nito sa Jerusalem,
    nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito:
    “Ang aking bayan ay uuwi na.”
28 Nang ako'y maghanap
    wala akong nasumpungang tagapayo,
    na handang sumagot sa sandaling magtanong ako.
29 Lahat ng diyus-diyosan ay walang kabuluhan.
    Wala silang magagawang anuman
    dahil sila'y mahihina at walang kapangyarihan.”

Efeso 2:11-22

Pinag-isa kay Cristo

11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(A) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(B) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(C) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.

19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Marcos 2:1-12

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”

May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”

Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”

12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.