Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 20-21

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
    Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
    at alalayan ka mula sa Zion!
Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
    at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)

Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
    at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
    at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!

Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
    sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
    na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
    ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
Sila'y mabubuwal at guguho,
    ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.

Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
    sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Awit 23

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Mga Awit 27

Awit ni David.

27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
    sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
    sino ang aking kasisindakan?

Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
    upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
    sila'y matitisod at mabubuwal.

Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
    hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
    gayunman ako'y magtitiwala pa rin.

Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
    na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
    at sumangguni sa kanyang templo.

Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
    sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
    at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

At ngayo'y itataas ang aking ulo
    sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
    ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.

Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
    kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
    “Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
    Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.

Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
    ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
    O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
    gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
    akayin mo ako sa patag na landas
    dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
    sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
    at sila'y nagbubuga ng karahasan.

13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
    sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
    magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
    oo, maghintay ka sa Panginoon!

Isaias 25:1-9

Awit ng Papuri sa Panginoon

25 O Panginoon, ikaw ay Diyos ko;
    aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo;
sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay,
    samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak.
Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod,
    ang bayang matibay ay ginawang isang guho;
ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan,
    ito'y hindi na maitatayo kailanman.
Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan,
    ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo.
Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan,
    isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan,
    silungan sa bagyo at lilim sa init,
sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader,
    gaya ng init sa tuyong dako.
Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan;
    gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap,
    ang awit ng mga malulupit ay napatahimik.

At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.

At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.

Lulunukin(A) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.

At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”

Apocalipsis 1:9-20

Si Cristo sa Isang Pangitain

Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.

10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta,

11 na nagsasabi, “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

12 Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,

13 at(A) sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib.

14 At(B) (C) ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;

15 at(D) ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.

16 Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.

17 Nang(E) siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, “Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli,

18 at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

19 Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito.

20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.

Juan 7:53-8:11

[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.

Ang Babaing Nahuli sa Pangangalunya

Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.

Kinaumagahan, siya ay bumalik sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Siya'y naupo at sila'y tinuruan.

Dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Nang kanilang patayuin siya sa gitna,

ay sinabi nila sa kanya, “Guro, nahuli ang babaing ito sa akto ng pangangalunya.

Sa(A) kautusan ay ipinag-utos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan. Ano ngayon ang iyong masasabi tungkol sa kanya?”

Ngunit ito'y kanilang sinabi upang siya'y subukin, upang sa kanya'y may maiparatang sila. Subalit yumuko si Jesus, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.

Habang sila'y nagpapatuloy ng pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya.”

At muli siyang yumuko, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.

Nang ito'y kanilang marinig ay isa-isa silang umalis, simula sa mga matatanda. At si Jesus ay naiwang nag-iisa at ang babaing nakatayo sa gitna.

10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?”

11 At sinabi niya, “Walang sinuman, Panginoon.” Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.”[a]]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001