Book of Common Prayer
Awit ni David.
26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
4 Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
5 Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.
6 Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
7 na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.
8 O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
9 Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.
11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.
Awit ni David.
28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
2 Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.
3 Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
4 Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
5 Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.
6 Ang Panginoon ay purihin!
Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
7 Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.
8 Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
9 Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.
36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
sa kanyang mga mata.
2 Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
3 Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
4 Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.
5 Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
6 Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.
7 Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
8 Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
9 Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.
10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.
Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.
39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
2 Ako'y tumahimik at napipi,
ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
3 ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:
4 “ Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
5 Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
6 Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!
7 “At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9 Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)
12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
at iyong dinggin ang aking daing;
huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
bago ako umalis at mapawi!”
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.
14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[a] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.
24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.
Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas
12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;
13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.
14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.
15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi.
17 Manalangin kayong walang patid.
18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.
19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.
20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,
21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.
22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.
25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.
28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[a]
Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(A)
29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;
30 kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.
31 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.
32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
33 Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.
Kailangang Magbantay
34 “Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.
35 Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
36 Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw(B) ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.
38 At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001