Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Mga Awit 96

96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
    umawit sa Panginoon ang buong lupa.
Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
    ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
    ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
    siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
    nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.

Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
    ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
    magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
    manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
    Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
    hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
    umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12     maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13     sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
    sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
    at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.

Mga Awit 34

Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
    ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
    marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
    at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!

Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
    at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
    at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
    at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
    sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
    Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
    ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.

11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
    ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
    at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
    at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
    hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
    at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
    upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
    at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
    at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.

19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
    ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
    sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
    at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
    walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.

Isaias 62:6-7

Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem;
    sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi.
Kayong mga umaalala sa Panginoon,
    huwag kayong magpahinga,
at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,
    hanggang sa maitatag niya
    at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.

Isaias 62:10-12

10 Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan,
    inyong ihanda ang lansangan para sa bayan;
inyong itayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan,
    inyong alisin ang mga bato;
    sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11 Narito,(A) ipinahayag ng Panginoon
    hanggang sa dulo ng lupa:
Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion,
    “Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating;
ang kanyang gantimpala ay nasa kanya,
    at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.”
12 At sila'y tatawaging “Ang banal na bayan,
    Ang tinubos ng Panginoon”;
at ikaw ay tatawaging “Hinanap,
    Lunsod na hindi pinabayaan.”

Mga Hebreo 2:10-18

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[a] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[b] na tawagin silang mga kapatid,

12 na(A) sinasabi,

“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
    sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”

13 At(B) muli,

“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”

At muli,

“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,

15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.

16 Sapagkat(C) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.

17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.

18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.

Mateo 1:18-25

Isinilang ang Cristo(A)

18 Ganito(B) ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

19 Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim.

20 Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo.

21 Siya'y(C) manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

23 “Narito,(D) magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki,
    at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel”

(na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos).

24 Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa.

25 Ngunit(E) hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki[a] na pinangalanan niyang Jesus.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001