Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 5-6

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.

Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
    pakinggan mo ang aking panaghoy.
Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
    hari ko at Diyos ko;
    sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
    sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.

Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
    ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
    kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
    ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
    dahil sa aking mga kaaway;
    tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.

Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
    ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
    sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
    sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
    sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.

11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
    hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
    upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
    na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.

O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
    ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
    O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
    Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
    iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
    sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?

Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
    bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
    dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
    ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.

Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
    sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
    tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
    sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.

Mga Awit 10-11

Panalangin para sa Katarungan

10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
    Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
    mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.

Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
    sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
    lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
    malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
    tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
    sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
    sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
    sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
    Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
    sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.

10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
    at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
    ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”

12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
    huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
    at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”

14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
    upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
    sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.

15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
    hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
    mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.

17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
    iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
    upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
    “Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
sapagkat binalantok ng masama ang pana,
    iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
    upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
kung ang mga saligan ay masira,
    matuwid ba'y may magagawa?”

Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
    ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
    ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
    ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
    at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
    at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
    ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.

Isaias 1:21-31

Ang Makasalanang Lunsod

21 Paanong ang tapat na lunsod
    ay naging upahang babae,[a]
    siya na puspos ng katarungan!
Ang katuwiran ay tumatahan sa kanya,
    ngunit ngayo'y mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging dumi,
    ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.
23 Ang iyong mga pinuno ay mga rebelde,
    at kasama ng mga mapaghimagsik.
Bawat isa'y nagnanais ng mga suhol,
    at naghahangad ng mga regalo.
Hindi nila ipinagtatanggol ang ulila,
    o nakakarating man sa kanila ang usapin ng babaing balo.

24 Kaya't ang Panginoon, Diyos ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay nagsasabi,
“Ah, aking ibubuhos ang aking poot sa aking mga kaaway,
    at maghihiganti ako sa aking mga kaaway.
25 Aking ibabaling ang aking kamay laban sa iyo,
    at aking sasalaing lubos ang iyong dumi tulad ng lihiya,
    at aalisin ko ang lahat ng iyong tingga.
26 At aking ibabalik ang iyong mga hukom na gaya ng una,
    at ang iyong mga tagapayo na tulad ng pasimula.
Pagkatapos ay tatawagin kang lunsod ng katuwiran,
    ang tapat na lunsod.”

27 Ang Zion ay tutubusin ng katarungan,
    at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran.
28 Ngunit magkasamang lilipulin ang mga mapaghimagsik at mga makasalanan,
    at silang tumalikod sa Panginoon ay magwawakas.
29 Ngunit ikahihiya mo ang mga punungkahoy
    na inyong kinagigiliwan;
at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong piniling mga halamanan.
30 Sapagkat kayo'y magiging parang kahoy[b]
    na ang dahon ay nalalanta,
    at parang halamanan na walang tubig.
31 Ang malakas ay magiging parang bagay na madaling masunog,
    at ang kanyang gawa ay parang kislap,
at kapwa sila magliliyab
    at walang papatay sa apoy.

1 Tesalonica 2:1-12

Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica

Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Bagaman(A) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.

Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,

kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.

Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;

ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.

Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.

Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.

Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.

10 Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya.

11 Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak,

12 na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian.

Lucas 20:9-18

Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(A)

At(B) sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.

10 Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala.

11 Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala.

12 At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan.

13 Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.’

14 Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, ‘Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.’

15 Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?

16 Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang marinig nila ito ay sinabi nila, “Huwag nawang mangyari.”

17 Subalit(C) tumingin siya sa kanila at sinabi, “Ano nga itong nasusulat,

‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulok?’

18 Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001