Book of Common Prayer
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
Awit para sa Pagdiriwang
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.
81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
2 Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
ang masayang lira at ang alpa.
3 Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
4 Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
isang batas ng Diyos ni Jacob.
5 Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
6 “Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
7 Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
8 O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
9 Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.
11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”
Ang Awit ni Asaf.
82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
2 “Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
4 Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”
5 Wala silang kaalaman o pang-unawa,
sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
6 Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
7 Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”
8 Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!
Si Mordecai ay Pinarangalan ng Hari
6 Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.
2 Natuklasang(A) nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.
3 At sinabi ng hari, “Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?” Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Walang anumang ginawa para sa kanya.”
4 Sinabi ng hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, “Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan.” At sinabi ng hari, “Papasukin siya.”
6 Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, “Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?” Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, “Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?”
7 At sinabi ni Haman sa hari, “Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,
8 ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,
9 at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.’”
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, “Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi.”
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: “Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.”
12 Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.
13 At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, “Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya.”
14 Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
Si Pablo sa Efeso
19 Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad.
2 At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?”
Sinabi nila, “Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo.”
3 Kaya't sinabi niya, “Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?”
Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”
4 Sinabi(A) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus.”
5 Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.
6 Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya.
7 Silang lahat ay may labindalawang lalaki.
8 Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.
9 Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno.[a]
10 At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.
Tinukso si Jesus(A)
4 Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,
2 na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”
4 At(B) sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo[a] sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.
6 At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.
7 Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”
8 At(C) sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
9 Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,
10 sapagkat(D) nasusulat,
‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
na ikaw ay ingatan,’
11 at,
‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’
12 At(E) sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
13 Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001