Book of Common Prayer
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Paratang ni Elifaz kay Job
22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Mapapakinabangan(A) ba ng Diyos ang isang tao?
Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
3 May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa;
at ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig,
at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso.
23 Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka,
kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda,
24 kapag inilagay mo ang ginto sa alabok,
at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis,
25 at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat,
at siyang iyong mahalagang pilak,
26 kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat,
at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas.
27 Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka;
at iyong tutuparin ang iyong mga panata.
28 Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo;
at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas,[a]
ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas.
30 Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan;
maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ang aking sumbong ngayo'y mapait[b] din,
ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
3 O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
4 Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
5 Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
7 Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.
26 “Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salita ng kaligtasang ito.
27 Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus[a] ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya.
28 At(A) kahit na hindi sila nakatagpo sa kanya ng anumang kadahilanang dapat ikamatay, gayunma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin.
29 Nang(B) matupad na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kanya, kanilang ibinaba siya sa punungkahoy at inilagay sa isang libingan.
30 Ngunit siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay.
31 At(C) sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan.
32 Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ng Diyos sa ating mga ninuno,
33 na(D) ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit,
‘Ikaw ay aking Anak,
sa araw na ito ay naging anak kita.’
34 (E) Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya,
‘Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.’
35 Kaya't(F) sinasabi rin niya sa isa pang awit,
‘Hindi mo hahayaan na ang iyong Banal ay makakita ng pagkabulok.’
36 Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay[b] at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok.
37 Subalit ang binuhay ng Diyos ay hindi nakakita ng kabulukan.
38 Kaya mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito'y ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan;
39 at sa pamamagitan niya ang bawat nananampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, kung saan hindi kayo kayang ariing-ganap ng kautusan ni Moises.
40 Kaya nga mag-ingat kayo, baka dumating sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41 ‘Tingnan(G) ninyo, mga mapanlibak!
Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw,
isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.’”
42 At sa pag-alis nina Pablo at Bernabe,[c] nakiusap ang mga tao na ang mga bagay na ito ay muling sabihin sa kanila sa susunod na Sabbath.
43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.
Ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw.
2 Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa.
3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto; at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid papalabas.
4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng kanya, ay nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.
5 Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, subalit hindi nila naunawaan ang mga bagay na sinasabi niya sa kanila.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa.
8 Ang lahat ng nauna sa akin ay mga tulisan at mga magnanakaw, subalit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.
9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan.
10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.
11 Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.
12 Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat.
13 Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa.
14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin.
15 Gaya(A) ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa.
16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.
17 Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli.
18 Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001