Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Job 25

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

25 Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi,

“Sa Diyos[a] ang pamamahala at pagkatakot,
    gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog.
Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang?
    Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang?
Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos?
    O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae?
Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning,
    at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin;
gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod!
    At ang anak ng tao, na isang bulati!”

Job 27:1-6

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
    at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
habang nasa akin pa ang aking hininga,
    at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
    at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
    hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
    hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.

Apocalipsis 14:1-7

Ang Kordero at ang 144,000

14 Pagkatapos(A) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.

Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[a] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.

At(B) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.

Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”

Apocalipsis 14:13

13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Mateo 5:13-20

Asin at Ilaw(A)

13 “Kayo(B) ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.

14 “Kayo(C) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.

15 Hindi(D) nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.

16 Paliwanagin(E) ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

Ang Kautusan at mga Propeta

17 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.

18 Sapagkat(F) katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.

19 Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001