Book of Common Prayer
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
JOD.
73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
42 Pagkatapos ay sumagot si Job sa Panginoon, at sinabi,
2 “Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay,
at wala kang layunin na mahahadlangan.
3 ‘Sino(A) itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?’
Kaya't aking nasambit ang hindi ko nauunawaan,
mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman.
4 ‘Makinig(B) ka at magsasalita ako;
tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.’
5 Narinig kita sa pakikinig ng tainga,
ngunit ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
6 kaya't ako'y namumuhi sa sarili ko,
at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”
7 Pagkatapos na masabi ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Elifaz na Temanita, “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kaibigan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.
8 Kaya't kumuha kayo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job. Maghandog kayo para sa inyo ng handog na sinusunog, at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job. Tatanggapin ko ang kanyang panalangin na huwag kayong pakitunguhan ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng aking lingkod na si Job.”
9 Sa gayo'y humayo si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon, at tinanggap ng Panginoon ang panalangin ni Job.
Muling Pinagpala ng Diyos si Job
10 At(C) ibinalik ng Panginoon ang kayamanan ni Job, nang kanyang idalangin ang kanyang mga kaibigan. At dinoble ng Panginoon ang dating kayamanan ni Job.
11 Nang magkagayo'y pumunta sa kanya ang lahat niyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat na naging kakilala niya nang una, at kumain ng tinapay na kasalo niya sa kanyang bahay. Nakiramay sila sa kanya, at inaliw siya tungkol sa lahat ng kasamaan na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Bawat tao'y nagbigay sa kanya ng isang pirasong salapi,[a] at singsing na ginto.
12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula. Siya'y nagkaroon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isang libong magkatuwang na baka, at isang libong asnong babae.
13 Siya'y nagkaroon din ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
14 Tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima, ang ikalawa ay Keziah, at ang ikatlo ay Keren-hapuch.
15 At sa buong lupain ay walang mga babaing natagpuang kasingganda ng mga anak na babae ni Job, at binigyan sila ng kanilang ama ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki.
16 Pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isandaan at apatnapung taon, at nakita niya ang kanyang mga anak, at ang mga anak ng kanyang mga anak, hanggang sa apat na salinlahi.
17 At namatay si Job, matanda na at puspos ng mga araw.
Nabilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos
16 Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula.
17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.”
18 At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya.” At ito ay lumabas nang oras ding iyon.
19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.
20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod.
21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin.”
22 Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas,[a] at ipinag-utos na hagupitin sila.
23 Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti.
24 Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos.
Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus
20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.
21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”
22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25 Ang(A) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.
26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001