Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 16-17

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Panalangin ni David.

17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
    Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
    makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!

Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
    nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
    ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
    ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
    ang aking mga paa ay hindi nadulas.

Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
    ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
    O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
    mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.

Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
    sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
mula sa masama na nananamsam sa akin,
    sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
    sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
    itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
    parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.

13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
    Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
    mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
    sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
    at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.

15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
    kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.

Mga Awit 22

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.

22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
    Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
    at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.

Gayunman ikaw ay banal,
    nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
    sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
    sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.

Ngunit ako'y uod at hindi tao,
    kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
    nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
“Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
    hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”

Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
    iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
    at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
    sapagkat malapit ang gulo,
    at walang sinumang sasaklolo.

12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
    ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
    gaya ng sumasakmal at leong umuungal.

14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
    at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
    ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
    sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.

16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
    pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
    at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Job 9:1-15

Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job

Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,

“Sa(A) katotohanan ay alam kong gayon nga:
    Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
    siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
    nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
    at ang mga haligi nito ay nanginginig;
na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
    na siyang nagtatakip sa mga bituin;
na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
    at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
na(B) siyang gumawa sa Oso at Orion,
    at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10 na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
    at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11 Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
    Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12 Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
    Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’

13 “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
    ang mga katulong ng Rahab[a] ay nakayukod sa ilalim niya.
14 Paano ko ngang masasagot siya,
    at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15 Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
    kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.

Job 9:32-35

32 Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
    na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33 Walang hukom sa pagitan namin,
    na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34 Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
    at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35 Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
    sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.

Mga Gawa 10:34-48

Nangaral si Pedro

34 Nagsimulang magsalita(A) si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,

35 kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.

36 Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat,

37 nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan:

38 kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy.

40 Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag;

41 hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay.

42 Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.

43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu sa mga Hentil

44 Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita.

45 Ang mga mananampalatayang Judio[a] na dumating na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din maging sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo.

46 Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Pedro,

47 “Maaari bang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mabautismuhan itong mga tumanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?”

48 At kanyang inutusan sila na mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, siya'y pinakiusapan nilang manatili ng mga ilang araw.

Juan 7:37-52

Mga Daloy ng Tubig na Buháy

37 Nang(A) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.

38 Ang(B) sumasampalataya sa akin,[a] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[b] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”

39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.

40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”

41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?

42 Hindi(C) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”

43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.

44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.

Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio

45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”

46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”

47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?

48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?

49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”

50 Sinabi(D) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),

51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”

52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001