Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
8 Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
9 Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
inawit nila ang kanyang kapurihan.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
Si Micaias at ang Kanyang Larawang Inanyuan
17 May isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na ang pangalan ay Micaias.
2 Sinabi niya sa kanyang ina, “Ang isang libo at isandaang pirasong pilak na kinuha sa iyo, na kaya ka nagsalita ng sumpa, at sinalita mo rin sa aking mga pandinig,—ang pilak ay nasa akin; kinuha ko at ngayon ay isasauli ko sa iyo.”[a] At sinabi ng kanyang ina, “Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.”
3 At isinauli niya ang isang libo at isandaang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, “Aking itinatalaga mula sa aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal.”
4 Nang kanyang isauli ang salapi sa kanyang ina kinuha ng kanyang ina ang dalawang daang pirasong pilak na ibinigay sa mga manghuhulma na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal; at iyon ay nasa bahay ni Micaias.
5 Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari.
6 Nang(A) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin.
7 Noon ay may isang kabataang lalaki sa Bethlehem sa Juda mula sa angkan ni Juda. Siya ay isang Levita na naninirahan doon.
8 Ang lalaki ay umalis sa bayan ng Bethlehem sa Juda, upang manirahan kung saan siya makakakita ng matutuluyan. Habang siya'y naglalakbay, nakarating siya sa bahay ni Micaias sa lupaing maburol ng Efraim, upang ipagpatuloy ang kanyang gawain.
9 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At sinabi niya sa kanya, “Ako'y isang Levita mula sa Bethlehem sa Juda, at ako'y maninirahan kung saan ako makakakita ng matutuluyan.”
10 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Manirahan ka sa akin, at ikaw ay maging aking ama at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak bawat taon, ng bihisan, at ng ikabubuhay,” at ang Levita ay pumasok.
11 Ang Levita ay pumayag na manirahang kasama ng lalaki, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak na lalaki.
12 Itinalaga ni Micaias ang Levita at ang binata ay naging kanyang pari, at nanirahan sa bahay ni Micaias.
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Micaias, “Ngayo'y alam ko na ako'y pasasaganain ng Panginoon, yamang ako'y may isang paring Levita.”
44 “Nasa(A) ating mga ninuno sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita.
45 Dinala(B) rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David,
46 na(C) nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob.[a]
47 Subalit(D) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya.
48 Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,
49 ‘Ang(E) langit ang aking luklukan,
at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon,
o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?’
51 “Kayong(F) matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo.
52 Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao.
53 Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad.”
Pinagbabato si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[b]
55 Ngunit siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo, ay tumitig sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.
56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.”
57 Subalit sila'y nagtakip ng kanilang mga tainga at sumigaw nang malakas at sama-samang sinugod siya.
58 Siya'y kanilang kinaladkad sa labas ng lunsod at pinagbabato; at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na ang pangalan ay Saulo.
59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”
60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At pagkasabi niya nito ay namatay[c] siya.
8 Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.
Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya
Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.
20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.
21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.
22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;
23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.
26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.
27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.
28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,
29 at(A) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001