Book of Common Prayer
Isang Awit. Awit ni Asaf.
83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
2 Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
3 Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
4 Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
5 Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
laban sa iyo ay nagtipanan sila—
6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
ang Moab at ang mga Hagrita,
7 ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
8 ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)
9 Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
ang mga pastulan ng Diyos.”
13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
na Panginoon ang pangalan,
ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
2 Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
3 Inalis mo ang lahat ng poot mo,
tumalikod ka sa bangis ng galit mo.
4 O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
at alisin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
6 Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.
8 Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
9 Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.
Panalangin ni David.
86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
sapagkat dukha at nangangailangan ako.
2 Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
3 O Panginoon, maawa ka sa akin,
sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
4 Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
5 Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
6 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
7 Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
sapagkat sinasagot mo ako.
8 Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
9 Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.
14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.
22 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”
23 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”
24 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25 At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.
26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.
27 Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28 Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.[a] At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.
29 Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.
30 Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.
31 Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.
32 Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.
33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit.
34 At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot.
35 Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel.
Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin
4 Habang si Pedro at si Juan[a] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,
2 na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.
3 Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.
4 Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.
5 Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;
6 at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.
7 Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”
8 At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,
9 kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,
10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.
11 Itong si Jesus,[b]
‘ang(A) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulukan.’
12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”
Tinawagan ni Jesus sina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”
44 Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.
45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”
46 Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”
49 Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”
50 Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”
51 Sinabi(A) niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001