Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3 hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5 Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6 Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
7 Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit nilabag ng Israel ang utos ni Yahweh na huwag kukuha sa Jerico ng mga bagay na ipinawawasak ni Yahweh bilang handog sa kanya. Si Acan na anak ni Karmi, apo ni Zabdi at apo-sa-tuhod ni Zera, mula sa lipi ni Juda, ay kumuha ng ilang bagay na ipinagbabawal kunin. Kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
2 Samantala, nagsugo si Josue ng ilang tao buhat sa Jerico upang lihim na magmanman sa lunsod ng Ai na nasa silangan ng Bethel at malapit sa Beth-aven. 3 Pagbabalik nila'y sinabi nila kay Josue, “Hindi na po kailangang pumaroon ang lahat. Magpadala lamang kayo ng mga dalawang libo hanggang tatlong libong mandirigma upang sumalakay sa lunsod ng Ai. Huwag na ninyong pagurin ang lahat, sapagkat maliit lang ang lunsod na iyon.” 4 Kaya't tatlong libong Israelita lang ang sumalakay sa Ai, ngunit sila'y naitaboy ng mga tagaroon. 5 Hinabol sila buhat sa pintuan ng lunsod hanggang sa tibagan ng bato. Tatlumpu't anim ang napatay sa kanila nang sila'y umatras pababa sa bundok, kaya't natakot sila at nasiraan ng loob.
6 Pinunit ni Josue at ng pinuno ng Israel ang kanilang kasuotan dahil sa matinding paghihinagpis. Nagpatirapa sila sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Naglagay din sila ng abo sa ulo bilang tanda ng kalungkutan hanggang sa paglubog ng araw. 7 At sinabi ni Josue, “Panginoong Yahweh, bakit pa ninyo kami pinatawid ng Ilog Jordan kung ipalilipol din lamang sa mga Amoreo? Mabuti pa'y nanatili na kami sa kabila ng Jordan! 8 Anong sasabihin ko, Panginoon, ngayong umatras sa labanan ang bayang Israel? 9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang naninirahan sa lupaing ito. Pagtutulung-tulungan nila kaming lipulin sa balat ng lupa. Wala po ba kayong gagawin upang ipagtanggol ang inyong dakilang pangalan?”
10 Sumagot si Yahweh, “Tumayo ka! Bakit ka nagpapatirapa nang ganyan? 11 Nagkasala ang bayang Israel! Sumira sila sa kasunduang ibinigay ko sa kanila sapagkat kumuha sila ng mga bagay na nakatakdang wasakin. Ninakaw nila ang mga iyon, itinago at isinama sa kanilang mga ari-arian. 12 Iyan ang dahilan kaya sila natalo ng kanilang kaaway. Natakot sila sapagkat sila rin ay dapat lipulin. Hindi ko na kayo tutulungan hanggang hindi ninyo isinusuko ang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo. 13 Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan!
Mga Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang(A) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[a] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(A)
36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” 37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, 38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” 43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. 45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 46 Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.