Book of Common Prayer
Ang Kautusan ni Yahweh
(Alef)[a]
119 Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
2 Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
3 ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
4 Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
5 Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
6 Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
7 Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
8 Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.
Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh
(Bet)
9 Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh
(Gimmel)
17 Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
19 Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
20 Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
21 Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
22 Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
23 Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
24 Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]
12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
wala nang taong tapat at totoo.
2 Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
nagkukunwari at nagdadayaan sila.
3 Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
4 silang laging nagsasabi,
“Kami'y magsasalita ng nais namin;
at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
5 “Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
“Upang saklolohan ang mga inaapi.
Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”
6 Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
ang katulad nila'y pilak na lantay;
tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.
7 Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
8 Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
ang mga gawang liko ay ikinararangal!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
Gaano katagal kang magtatago sa akin?
2 Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?
3 Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
4 Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.
5 Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
6 O Yahweh, ika'y aking aawitan,
dahil sa iyong masaganang kabutihan.
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
Sinariwa ni Moises ang Pangako ni Yahweh
1 Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. 2 (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai[a] hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) 3 Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. 4 Nalupig(A) na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. 5 Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.
Ang sabi niya, 6 “Nang tayo'y nasa Sinai,[b] ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. 7 Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. 8 Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”
Ang Pagpili sa mga Hukom(B)
9 Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. 11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. 12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? 13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, 14 at sumang-ayon naman kayo sa akin. 15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.
16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. 17 Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. 18 Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel
9 Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. 4 Sila'y(A) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. 5 Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![a] Amen.
6 Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. 7 At(B) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” 8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat(C) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”
10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(D) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(E) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”
14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(F) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(G) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.
27 “Kahabag-habag(A) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”
Paparusahan ang mga Mapagkunwari(B)
29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(C) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(D) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(E)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(F) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(G) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.