Book of Common Prayer
Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag
137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
2 Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
3 Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
4 Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
5 Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
6 di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.
7 Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
“Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”
8 Tandaan(A) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
9 kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!
Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari
Katha ni David.
144 Purihin si Yahweh na aking kanlungan,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
2 Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinapanaligan,
nilulupig niya sakop kong mga bayan.
3 O(A) Yahweh, ano nga ba naman ang tao?
At pinagtutuunan mo siya ng pansin?
4 Katulad ay ulap na tangay ng hangin,
napaparam siya na tulad ng lilim.
5 Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin;
mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin.
6 Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin;
sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
7 Abutin mo ako at iyong itaas,
sa kalalimang tubig ako ay iligtas;
ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas,
8 ubod sinungaling na walang katulad,
kahit ang pangako'y pandarayang lahat.
9 O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
sila'y sinungaling, di maaasahan,
kahit may pangako at mga sumpaan.
12 Nawa ang ating mga kabataan
lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2 O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4 Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7 Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9 matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15 Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(B) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo 13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”
14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”
15 Muli siyang nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang mensahe ng taong may malinaw na paningin.[a]
16 Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos,
ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos,
ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin.
17 Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap,
nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap.
Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin,
sa lahi ni Israel ay may maghahari rin.
Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin,
lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin.
18 Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir,
samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel.
19 Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel,
ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.”
20 Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya:
“Ang Amalek ay bansang pangunahin,
ngunit sa huli, siya ay lilipulin.”
21 Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo:
“Tirahan mo ay matibay at matatag.
22 Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas.
Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.”
23 Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag,
“Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos?
24 Darating ang mga barko, mula sa Kitim
upang kanilang lusubin si Asur at si Eber,
ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.”
25 Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac.
Ang Kaluwalhatiang Sasaatin
18 Para(A) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(B) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(C) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
Tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
23 Nang(B) araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. 24 Sinabi(C) nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. 25 Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. 26 Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. 27 Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. 28 Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?”
29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sa(D) muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako(E) ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”
33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan.
Ang Pinakamahalagang Utos(F)
34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa(G) sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
37 Sumagot(H) si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito(I) naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.