Book of Common Prayer
Ang Mapagpakumbabang Dalangin
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
2 Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
3 Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
2 Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
3 Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
ang pangakong buhay na mananatili.
Paanyaya Upang Purihin ang Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
mga naglilingkod sa templo kung gabi.
2 Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
3 Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.
Awit ng Pagpupuri
135 Purihin si Yahweh!
Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
2 Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
4 Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.
5 Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
6 anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
7 Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.
8 Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
9 Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(D) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.
Purihin si Yahweh!
11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”
12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”
13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.
15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”
16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”
18 Sinabi ni Balaam,
“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”
25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”
26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”
Pamumuhay Ayon sa Espiritu
8 Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. 2 Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.
5 Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. 6 Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. 8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. 4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ 5 Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. 6 Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. 7 Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. 8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
11 “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12 Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13 kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
14 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.