Book of Common Prayer
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Salot na Kadiliman
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.”
22 Kaya't(A) iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw.
23 Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan.
24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.”
25 Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa Panginoon naming Diyos.
26 Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa Panginoon naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.”
27 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila.
28 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.”
29 Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”
Ibinabala ang Huling Salot
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo.
2 Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto.”
3 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao.
4 Sinabi ni Moises, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sa hatinggabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto.
5 Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop.
6 Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa.
7 Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel.
8 Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, ‘Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ Pagkatapos niyon ay aalis ako.” At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit.
13 Yamang(A) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;
14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.
15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(A)
46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”
50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.
51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[a] ibig kong muling makakita.”
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001