Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 118

Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay

118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.

Sabihin ngayon ng Israel,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
    “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”

Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
    sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
    Anong magagawa ng tao sa akin?
Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
    ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
    kaysa magtiwala sa tao.
Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
    kaysa magtiwala sa mga pinuno.

10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
    sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
    sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
    sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
    sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
    at siya'y naging aking kaligtasan.

15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16     ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
    ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
    at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
    ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.

19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
    upang ako'y makapasok doon
    at makapagpasalamat sa Panginoon.

20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
    ang matuwid ay papasok doon.

21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
    at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
    ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
    ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
    tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
    O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.

26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
    Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
    sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
    ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!

Mga Awit 145

Awit ng Papuri. Kay David.

145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
    at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
Pupurihin kita araw-araw,
    at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
    at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.

Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
    at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
    at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
    at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
    at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.

Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
    at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.

10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
    at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
    at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
    at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
    at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
    at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
    at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
    binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
    at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
    sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
    kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
    ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.

21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
    at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.

Exodo 3:16-4:12

16 Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, “Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto.

17 At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.”’

18 Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa Panginoon naming Diyos.’

19 Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.

20 Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis.

21 Pagkakalooban(A) ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala.

22 Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio.”

Ang mga Tanda at Pangako

Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”

Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”

Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.

“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.

Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.

“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.

Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”

10 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”

Roma 12

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Juan 8:46-59

46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?

47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”

48 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?”

49 Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan.

50 Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom.

51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”

52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’

53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?”

54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos.

55 Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita.

56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.”

57 Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?”

58 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.”[a]

59 Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001