Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
4 Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
5 O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.
6 Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
O Diyos ng Israel.
7 Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8 Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9 Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.
23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;
at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(E) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(F) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!
30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36 ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
IKATLONG AKLAT
Awit ni Asaf.
73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
sa mga taong ang puso'y malilinis.
2 Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
3 Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
aking nakita ang kaginhawahan ng masama.
4 Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
at ang kanilang katawan ay matataba.
5 Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
6 Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
8 Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
9 Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.
10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
at tuwing umaga ay napaparusahan.
15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.
21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.
27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.
6 Namatay si Jose at ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang buong salinlahing iyon.
7 Ang(A) mga anak ni Israel ay lumago at nadagdagang mabuti; sila'y dumami at naging napakalakas kaya't ang lupain ay napuno nila.
8 At(B) may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose.
9 Sinabi niya sa kanyang bayan, “Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin.
10 Halikayo,(C) pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain.”
11 Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa. Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses.
12 Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasuklaman[a] nila ang mga anak ni Israel.
13 Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel;
14 at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod.
Ipinapatay ang mga Batang Lalaki
15 Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua.
16 Kanyang sinabi, “Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito.”
17 Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki.
18 Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?”
19 Sinabi ng mga hilot sa Faraon, “Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila.”
20 Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas.
21 Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan.
22 Pagkatapos,(D) iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, “Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay.”
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(A) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”
28 At(B) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”
29 At(C) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[a]
30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.
33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[b] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”
34 Tinawag(E) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat(F) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.
36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?
37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?
38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”
9 Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001