Book of Common Prayer
Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno
97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
ang maraming pulo ay matuwa nawa!
2 Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
3 Apoy ang nasa unahan niya,
at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
4 Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
8 Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.
10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.
99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
Siya'y banal!
4 Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
5 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
magsisamba kayo sa kanyang paanan!
Siya'y banal.
6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
7 Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.
8 O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
9 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(C) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
2 Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
3 Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
4 Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
5 Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.
6 O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
7 Sapagkat(B)(C) siya'y ating Diyos,
at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
at mga tupa ng kanyang kamay.
Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
8 huwag(D) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
gaya ng araw sa ilang sa Massah,
9 nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(E) sa aking galit ako ay sumumpa,
na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30 sa(A) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31 Doon(B) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33 Pagkatapos(C) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.
50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.
2 Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.
3 Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.
4 Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:
5 Pinanumpa(D) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”
6 Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”
7 Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[a] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;
8 ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.
9 Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.
10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.
11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[b] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.
12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Dinala(E) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.
14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.
17 Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama.
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya.
19 Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad.
20 Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon.
21 Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing.
22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(A)
23 Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;
24 at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, “Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
25 Sa(B) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin.”
26 Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo.
34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001