Book of Common Prayer
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
Hindi Pinayagan ng mga taga-Edom na Dumaan ang mga Israelita
14 Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan. 15 Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio, 16 pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.
“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo. 17 Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan[a] at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18 Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.” 19 Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20 Sumagot muli ang hari ng Edom:
“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita. 21 Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.
Namatay si Aaron
22 Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor. 23 Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 24 “Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba. 25 Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor. 26 Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”
27 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan. 28 Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok. 29 Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
6 Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Dios sa atin? 2 Aba, hindi maaari! Hindi maaari na magpatuloy pa tayo sa pagkakasala dahil ang kasalanan ay wala ng kapangyarihan sa atin. 3 Hindi ba ninyo alam na noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan? 4 Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay.
5 At kung nakasama tayo sa kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli[a] tulad ng muli niyang pagkabuhay. 6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinako na sa krus kasama ni Cristo para mamatay, kaya hindi na tayo dapat alipinin pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang taong patay na ay malaya na sa kasalanan. 8 At kung namatay tayong kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. 9 Sapagkat alam nating si Cristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Minsan lang siyang namatay para sa kasalanan ng mga tao; at nabubuhay siya ngayon para sa Dios. 11 At dahil nakay Cristo Jesus na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Dios.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[a]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![b] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[c] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®