Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
at dininig niya ang aking mga daing.
2 Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
mapahamak.
3 Tinuruan niya ako ng bagong awit,
ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4 Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
o sumasamba sa mga dios-diosan.
5 Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
kaya hindi na ako makakita.
Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
“Dakilain ang Panginoon!”
17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
Kayo ang tumutulong sa akin.
Kayo ang aking Tagapagligtas.
Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
Huwag Pabigla-bigla sa Pangako
5 Mag-ingat ka sa ikikilos mo kung pupunta ka sa templo ng Dios. Mas mabuting pumunta ka roon na handang sumunod[a] sa Dios, kaysa sa maghandog na gaya ng paghahandog ng isang mangmang na hindi alam kung ano ang mabuti at masama. 2 Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita. Mag-isip ka muna nang mabuti bago ka mangako sa Dios. Tandaan mo na ang Dios ay nasa langit at ikaw ay nandito sa lupa. Kaya mag-ingat ka sa pagsasalita. 3 Kung papaanong madaling managinip kapag maraming alalahanin, madali ring makapagsalita ng kamangmangan kung padalos-dalos ka sa iyong pagsasalita. 4 Kapag nangako ka sa Dios, tuparin mo agad ito. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kanya dahil hindi siya natutuwa sa mga hangal na hindi tumutupad sa mga pangako. 5 Mas mabuti pang huwag ka na lang mangako kaysa mangako ka at hindi mo naman tutuparin. 6 Huwag kang magkasala sa iyong pagsasalita. At huwag mong sabihin sa pari[b] na nasa templo na hindi mo sinasadya ang iyong pangako sa Dios. Dahil magagalit ang Dios kung gagawin mo ito at sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan mo. 7 Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Dios.
Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios
15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[a] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.
19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.
21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”
Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(B)
34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. 35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. 36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®