Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 61-62

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios

62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
    Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
    Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
    Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
    Siya ang matibay kong batong kanlungan.
    Siya ang nag-iingat sa akin.
Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
    Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
    dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
    Pareho lang silang walang kabuluhan.
    Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
    Dumami man ang inyong kayamanan,
    huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
    Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Salmo 68

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
    at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
    Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
    ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
    kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
    at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
    pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]

15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
    Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
    At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
    pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
    at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[g]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

Mangangaral 8:14-9:10

14 Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasama. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.

15 Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Dios sa kanya dito sa mundo.

16 Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi. 17 Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Dios dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihin niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.

Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Dios ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali,[a] ang malinis at ang marumi,[b] ang naghahandog at ang hindi naghahandog. Pareho lang ang matuwid at ang makasalanan at pareho lang din ang sumusumpa at hindi sumusumpa. Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buhay na aso kaysa sa patay na leon.” Ang totoo, alam ng buhay na tao na mamamatay siya. Pero ang patay ay walang nalalaman. Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap at makakalimutan na. Ang pag-ibig nila, poot at inggit noong nabubuhay pa ay wala na. At wala na rin silang malay sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.

Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Dios na gawin mo. Palagi ka sanang maging maligaya.[c] Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10 Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.

Galacia 4:21-31

Ang Halimbawa ni Sara at Hagar

21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:

“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!
Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.
    Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,
    mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”[a]

28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”[b] 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.

Mateo 15:29-39

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.

39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®