Book of Common Prayer
Ang Dalangin ng Taong Inuusig
69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
2 Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
3 Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
4 Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
5 O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
6 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
7 Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
8 Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
9 Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[b]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[c]
at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.
30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[d] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.
Ang Makatarungang Hatol ng Dios
73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
2 Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
3 Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
4 Malulusog ang kanilang mga katawan
at hindi sila nahihirapan.
5 Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
6 Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
7 Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
8 Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
9 Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”
12 Ganito ang buhay ng masasama:
wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.
21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.
9 Kayong mga kabataan, magsaya kayo habang kayoʼy bata pa. Gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, pero alalahanin ninyong hahatulan kayo ng Dios ayon sa inyong mga ginawa. 10 Huwag kayong mag-alala o mabalisa man dahil ang panahon ng kabataan ay lumilipas lang.
12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” 2 Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. 3 Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[a] at manghihina ang iyong mga tuhod.[b] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[c] At lalabo na ang iyong paningin.[d] 4 Ang tainga[e] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. 5 Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. 6 Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. 7 Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[f] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.
8 Sabi ng mangangaral,[g] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”
Paggalang at Pagsunod sa Dios
9 Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10 Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo. 11 Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Dios na tangi nating tagabantay.
12 Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.
13 Ngayong nabasa[h] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.
25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.
Magtulungan Tayo
6 Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. 2 Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, 5 dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. 9 Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®