Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 119:41-64

VAU.

41 (A)Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon,
Sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.
42 Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin;
Sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig;
Sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.
44 Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi
Magpakailan-kailan pa man.
45 At lalakad ako sa kalayaan;
Sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
46 (B)Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari,
At hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y maaaliw sa iyong mga utos,
Na aking iniibig.
48 (C)Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig;
At ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.

ZAIN.

49 Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod,
Na doo'y iyong pinaasa ako.
50 Ito'y aking (D)kaaliwan sa aking pagkapighati:
Sapagka't binuhay ako ng (E)iyong salita.
51 Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin:
Gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.
52 Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon,
At ako'y nagaliw sa sarili.
53 (F)Maalab na galit ang humawak sa akin,
Dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.
54 Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit
Sa (G)bahay ng aking pangingibang bayan.
55 (H)Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon,
At sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
Sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.

CHETH.

57 (I)Ang Panginoon ay aking bahagi:
Aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso:
Magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.
59 (J)Ako'y nagiisip sa aking mga lakad,
At ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad,
Na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
Nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.
62 (K)Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo,
Dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.
63 Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo,
At ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.
64 Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno (L)ng iyong kagandahang-loob:
(M)Ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.

Isaias 8:11-20

11 Sapagka't ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12 Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o (A)huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.

13 Ang Panginoon ng mga hukbo, (B)siya ang inyong aariing banal; at (C)sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.

14 At (D)siya'y magiging pinakasantuario; nguni't (E)pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na (F)pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

15 At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.

16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.

17 At aking hihintayin ang Panginoon na (G)nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking (H)hahanapin siya.

18 Narito, (I)ako at (J)ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga (K)pinakatanda at (L)pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.

Masasamang espiritu at manghuhula ay sinumpa.

19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, (M)Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na (N)nagsisihuni at nagsisibulong; (O)hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? (P)dahil baga sa mga buháy ay sasangguni sila sa mga patay?

20 (Q)Sa kautusan at sa patotoo! (R)kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, (S)tunay na walang umaga sa kanila.

Roma 10:1-15

10 Mga kapatid, (A)ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila'y mangaligtas.

Sapagka't sila'y pinatotohanan ko (B)na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala.

Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, (C)ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.

Sapagka't si (D)Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.

Sapagka't isinulat ni Moises na (E)ang tao na gumagawa ng katuwirang ayon sa kautusan ay mabubuhay dahil dito.

Datapuwa't sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito, (F)Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (sa makatuwid baga'y (G)upang ibaba si Cristo:)

O, Sino ang mananaog sa kalalimlaliman? (sa makatuwid baga'y upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Datapuwa't ano ang sinasabi nito? Ang salita ay (H)malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: sa makatuwid baga'y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral:

Sapagka't (I)kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka:

10 Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.

11 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, (J)Ang lahat na sa kaniya'y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya.

12 Sapagka't (K)walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka't ang Panginoon din ay (L)siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag:

13 Sapagka't, Ang (M)lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.

14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?

15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga (N)sinugo? gaya nga ng nasusulat, (O)Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!

Mga Awit 19

Ang gawa at salita ng Panginoon. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

19 Ang (A)kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios;
(B)At ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita,
At sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
Walang pananalita o wika man;
Ang kanilang tinig ay hindi marinig.
(C)Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa,
At ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan.
Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,
Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid.
(D)At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.
Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit,
At ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon:
At walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.
Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa:
Ang (E)patotoo ng Panginoon ay tunay, (F)na nagpapapantas sa hangal.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso:
(G)Ang utos ng Panginoon ay dalisay, (H)na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man:
Ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 (I)Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto:
(J)Lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod:
(K)Sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat (L)ng kaniyang mga kamalian?
(M)Paliwanagan mo ako (N)sa mga kubling kamalian.
13 (O)Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala:
(P)Huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako,
At magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 (Q)Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin,
Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking (R)manunubos.

Mga Awit 112

Ang pananagana niyaong natatakot sa Panginoon.

112 Purihin ninyo ang Panginoon.
Mapalad (A)ang tao na natatakot sa Panginoon,
Na naliligayang mainam sa kaniyang mga utos.
(B)Ang kaniyang binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
Ang lahi ng matuwid ay magiging mapalad.
(C)Kaginhawahan at kayamanan ay nasa kaniyang bahay:
At ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
Sa matuwid ay (D)bumabangon ang liwanag sa kadiliman:
(E)Siya'y mapagbiyaya at puspos ng kahabagan, at matuwid.
(F)Ang ikabubuti ng taong mapagbiyaya at nagpapahiram,
Kaniyang aalalayan ang kaniyang usap sa kahatulan.
Sapagka't siya'y hindi makikilos magpakailan man;
Ang matuwid ay maaalaalang walang hanggan.
Siya'y hindi matatakot (G)sa mga masamang balita:
Ang kaniyang (H)puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.
Ang kaniyang puso ay natatag, siya'y hindi matatakot,
Hanggang sa kaniyang (I)makita ang nasa niya sa kaniyang mga kaaway.
Kaniyang pinanabog, kaniyang ibinigay sa mapagkailangan;
Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man,
Ang kaniyang (J)sungay ay matataas na may karangalan.
10 Makikita ng masama, at mamamanglaw;
Siya'y magngangalit ng kaniyang mga ngipin, at matutunaw:
Ang nasa ng masama ay (K)mapaparam.

Mateo 13:44-52

44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at (A)ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at (B)binili ang bukid na yaon.

45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas:

46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.

47 (C)Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na (D)nakahuli ng sarisaring isda:

48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama.

49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at (E)ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

50 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo.

52 At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't (F)eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978