Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
Ililigtas ang Israel
27 Sa(A) araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.
2 Sa araw na iyon:
“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
3 Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
aking binabantayan ito gabi't araw.
4 Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
5 O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
makipagpayapaan sila sa akin,
makipagpayapaan sila sa akin.”
6 Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.
7 Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
8 Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
9 Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
ang lahat ng mga bato ng dambana,
walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10 Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11 Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12 Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.
13 At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.
Nilinis ni Jesus ang Templo(A)
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,
46 na(B) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
47 Nagturo(C) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.
48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001