Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.
26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.
44 “Nasa(A) ating mga ninuno sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita.
45 Dinala(B) rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David,
46 na(C) nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob.[a]
47 Subalit(D) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya.
48 Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,
49 ‘Ang(E) langit ang aking luklukan,
at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon,
o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?’
51 “Kayong(F) matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo.
52 Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao.
53 Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001