Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
8 Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa Jacob,
at ito'y magliliwanag[a] sa Israel.
9 At malalaman ng buong bayan,
ng Efraim at ng mga mamamayan ng Samaria,
na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng puso:
10 “Ang mga laryo ay nahulog,
ngunit aming itatayo ng tinabas na bato;
ang mga sikomoro ay pinutol na,
ngunit aming papalitan ng mga sedro.”
11 Kaya't ang Panginoon ay magbabangon ng mga kaaway laban sa kanila,
at pasisiglahin ang kanyang mga kalaban.
12 Ang mga taga-Siria sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran,
at kanilang lalamunin ang Israel sa pamamagitan ng bukas na bibig.
Sa lahat na ito ang kanyang galit ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
13 Gayunma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kanya na nanakit sa kanila,
o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.
14 Kaya't puputulin ng Panginoon ang ulo't buntot ng Israel,
ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw—
15 ang matanda at ang marangal na tao ang siyang ulo,
at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan ang siyang buntot.
16 Sapagkat silang umakay sa bayang ito ay siyang nagliligaw;
at silang pinapatnubayan nila ay nilamon.
17 Kaya't ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanilang mga binata,
ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing balo.
Sapagkat bawat isa ay masama at manggagawa ng kasamaan,
at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel
9 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,
2 na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.
3 Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.
4 Sila'y(A) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;
5 sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.
6 Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;
7 ni(B) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”
8 Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.
9 Sapagkat(C) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001