Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananakot ni Jezebel
19 Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.
2 Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, “Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras.”
3 Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon.
4 Ngunit(A) siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”
5 Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”
6 Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”
8 Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.
Ang Tinig ng Panginoon
9 Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sinabi(A) niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”
11 Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:
12 Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.
13 Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
14 At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.”
15 Sinabi(B) ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.
24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.
26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(A)
26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[a] na katapat ng Galilea.
27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[b] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.
28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”
29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.
31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.
32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.
33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.
34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.
35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.
36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.
37 At nakiusap kay Jesus[c] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.
38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001