Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
2 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.
3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.
5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
6 Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.
7 Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.
9 Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
at hinuhubaran ang mga gubat;
at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”
10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!
Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(A)
2 Pinulong(B) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
3 Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.
4 Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.
5 Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.
6 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.
7 Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8 Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.
9 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.
10 Walang(C) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.
Ang Kaluwalhatian ng Panginoon
11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.
12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.
13 Katungkulan(D)(E) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,
“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”
ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,
14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain,
20 kundi(A) ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.
21 Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin.
22 Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:
23 na(B) ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil.”
24 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, “Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!”
25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko.
26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok.
27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.”
28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!”
29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001