Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
2 Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
at pumisil sa akin ang kamay mo.
3 Walang kaginhawahan sa aking laman
dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
dahil sa aking kahangalan.
6 Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
at walang kaginhawahan sa aking laman.
8 Nanghihina at bugbog ako;
ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.
9 Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.
13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
at walang pangangatuwiran sa aking bibig.
15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”
17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.
21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
O Panginoon, aking kaligtasan!
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
24 Nang si Saul ay bumalik mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi sa kanya, “Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”
2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalaki sa buong Israel, at naglakbay upang tugisin si David at ang kanyang mga tauhan sa harapan ng Batuhan ng Maiilap na Kambing.
3 Siya'y(A) dumating sa mga kulungan ng kawan sa daan na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang dumumi.[a] Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nakaupo sa kaloob-loobang bahagi ng yungib.
4 At sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Narito ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kanya kung ano ang gusto mo.’” Nang magkagayo'y tumindig si David at lihim na pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
5 Pagkatapos, nagdamdam ang puso ni David sapagkat kanyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
6 At(B) sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon na binuhusan ng langis ng Panginoon, na aking saktan siya ng aking kamay[b] gayong siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.”
7 Kaya't nahikayat ni David ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng mga salitang ito, at hindi niya pinahintulutan sila na salakayin si Saul. Pagkatapos ay tumindig si Saul, lumabas sa yungib at nagpatuloy sa kanyang lakad.
8 Pagkatapos, si David ay tumindig, at lumabas sa yungib, at pasigaw na sinabi kay Saul, “Panginoon kong hari.” Nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kanyang mukha sa lupa at nagbigay galang.
9 At sinabi ni David kay Saul, “Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao na nagsasabi, ‘Tingnan mo, pinagsisikapan kang gawan ng masama ni David?’
10 Nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib, at sinabi sa akin ng iba na patayin kita. Ngunit hinayaan kita at aking sinabi, ‘Hindi ko sasaktan ng aking kamay ang aking panginoon, sapagkat siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.’
11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko. Tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay. Sapagkat sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal at hindi ko pagpatay sa iyo, matitiyak mo na wala kahit kasamaan o pagtataksil man sa aking sarili. Hindi ako nagkasala laban sa iyo, kahit tinutugis mo ako upang kunin ang aking buhay.
12 Hatulan nawa tayo ng Panginoon, at ipaghiganti nawa ako ng Panginoon sa iyo; ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng matatanda, ‘Sa masama nagmumula ang kasamaan,’ ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
14 Laban(C) kanino lumabas ang hari ng Israel? Sinong hinahabol mo? Isang patay na aso! Isang pulgas!
15 Ang Panginoon nawa ang humatol, maghukom sa pagitan natin, magsiyasat, ipagsanggalang ang aking usapin, at iligtas ako sa iyong kamay.”
16 Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito kay Saul, sinabi ni Saul, “Ito ba ay iyong tinig, anak kong David?” At inilakas ni Saul ang kanyang tinig, at umiyak.
17 Kanyang sinabi kay David, “Ikaw ay higit na matuwid kaysa akin sapagkat ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng masama.
18 Ipinahayag mo sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagkat nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay ay hindi mo ako pinatay.
19 Sapagkat kung matagpuan ng isang tao ang kanyang kaaway, hahayaan ba niyang makaalis na ligtas? Kaya't gantihan ka nawa ng mabuti ng Panginoon dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.
20 At ngayon, nalalaman ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.
21 Isumpa mo ngayon sa akin sa pamamagitan ng Panginoon na hindi mo puputulin ang aking lahi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sambahayan ng aking ama.”
22 At sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, si Saul ay umuwi ngunit si David at ang kanyang mga tauhan ay umakyat sa kuta.
17 Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama.
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya.
19 Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad.
20 Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon.
21 Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing.
22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001