Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,
at sinagot niya ako.
2 “O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
mula sa dilang mandaraya.”
3 Anong ibibigay sa iyo,
at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
ikaw na mandarayang dila?
4 Matalas na palaso ng mandirigma,
na may nag-aapoy na baga ng enebro!
5 Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
6 Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
7 Ako'y para sa kapayapaan;
ngunit kapag ako'y nagsasalita,
sila'y para sa pakikidigma!
11 Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shallum na anak ni Josias, na hari ng Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kanyang ama, na umalis sa lugar na ito: “Hindi na siya babalik rito,
12 kundi sa dakong pinagdalhan sa kanya bilang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya muling makikita ang lupaing ito.”
Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim
13 “Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran,
at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang-katarungan;
na pinapaglingkod ang kanyang kapwa na walang upa,
at hindi niya binibigyan ng kanyang sahod;
14 na nagsasabi, ‘Ako'y magtatayo para sa sarili ko ng malaking bahay
na may maluluwang na silid sa itaas,’
at naglalagay ng mga bintana roon,
dinidingdingan ng sedro,
at pinipintahan ng kulay pula.
15 Sa palagay mo ba ikaw ay hari,
sapagkat nakikipagpaligsahan ka na may sedro?
Di ba't ang iyong ama ay kumain at uminom
at naggawad ng katarungan at katuwiran?
Kaya naman iyon ay ikinabuti niya.
16 Kanyang hinatulan ang kapakanan ng dukha at ng nangangailangan;
at iyon ay mabuti.
Hindi ba ito ang pagkilala sa akin?
sabi ng Panginoon.
17 Ngunit ang iyong mga mata at puso
ay para lamang sa iyong madayang pakinabang,
at sa pagpapadanak ng walang salang dugo,
at sa paggawa ng pang-aapi at karahasan.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(A)
37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.
38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.
39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.
40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?
41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42 Subalit(B) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[a] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.
43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.
44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”
45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”
46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.
47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.
48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.
49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’
50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;
51 mula(C) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.
52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001