Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(A) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(B) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
8 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng pangkaraniwang titik, ‘Kay Maher-shalalhash-baz.’”
2 Mayroon akong mga tapat na saksi upang sumaksi sa akin, si Urias na pari at si Zacarias na anak ni Jeberekias.
3 At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng Panginoon sa akin, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Maher-shalalhash-baz.
4 Sapagkat bago ang bata ay matutong magsalita ng, ‘Ama ko,’ o ‘Ina ko,’ ang kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay kukunin sa harapan ng hari ng Asiria.”
5 At nagsalitang muli ang Panginoon sa akin:
6 “Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos na marahan, at magalak sa harapan ni Rezin at sa anak ni Remalias;
7 kaya't narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat niyang kaluwalhatian. Siya'y aahon sa lahat niyang daluyan, at aapaw sa lahat niyang baybayin.
8 Ito'y aagos hanggang sa Juda, aapaw at aabot hanggang sa leeg; at ang nakabuka niyang mga pakpak ang siyang magpupuno ng lawak ng iyong lupain, O Emmanuel.”
9 Kayo'y magsama-sama, mga bayan, at mabalisa,
kayo'y makinig, kayong lahat na malayong lupain;
magbigkis kayo, at kayo'y mabagabag,
kayo'y magbigkis, at kayo'y mabagabag.
10 Magsanggunian kayo, ngunit iyon ay mauuwi sa wala;
magsalita kayo ng salita ngunit iyon ay hindi mananatili,
sapagkat ang Diyos ay kasama namin.
11 Sapagkat ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at binalaan ako na huwag lumakad sa lakad ng bayang ito, na sinasabi,
12 “Huwag(A) ninyong tawaging pagsasabwatan ang lahat na tinatawag na pagsasabwatan ng bayang ito, at huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan, o mangilabot man.
13 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong ituturing na banal; siya ang inyong katakutan, at sa kanya kayo mangilabot.
14 At(B) siya'y magiging santuwaryo ninyo, isang batong katitisuran at malaking batong kabubuwalan ng dalawang sambahayan ng Israel, isang bitag at silo sa mga mamamayan ng Jerusalem.
15 At marami ang matitisod doon; sila'y mabubuwal at mababalian. Sila'y masisilo at mahuhuli.”
Tinawag ni Jesus si Levi(A)
27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[a] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.
29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.
30 Nagbulung-bulungan(B) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.
32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001