Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Huling Pangungusap ni David
23 Ginawang dakila ng Diyos si David, anak ni Jesse. Siya ang lalaking pinili ng Diyos ni Jacob upang maging hari. Siya rin ang may-akda ng magagandang awit para sa Israel. Ito ang kanyang mga huling pangungusap:
2 “Nagsasalita sa pamamagitan ko ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang salita niya'y nasa aking mga labi.
3 Nagsalita ang Diyos ng Israel,
ganito ang sinabi niya sa akin:
‘Ang haring namamahalang may katarungan
at namumunong may pagkatakot sa Diyos,
4 ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway,
parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap,
at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.’
5 “Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan,
dahil sa aming tipan na walang katapusan,
kasunduang mananatili magpakailanman.
Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay,
ano pa ang dapat kong hangarin?
6 Ngunit ang mga walang takot sa Diyos ay matutulad sa mga tinik na itinatapon.
Walang mangahas dumampot sa kanila;
7 at upang sila'y ipunin, kailangan ang kasangkapang bakal.
Kapag naipon naman, sila'y tutupukin.”
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(A) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
Pagbati sa Pitong Iglesya
4 Mula(A) kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating, mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, 5 at(B) mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga binuhay mula sa kamatayan, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.
Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya[a] niya tayo sa ating mga kasalanan. 6 Ginawa(C) niya tayong isang kaharian ng mga pari upang maglingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
7 Tingnan(D) ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen.
8 “Ako(E) ang Alpha at ang Omega,”[b] sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang kasalukuyan, nakaraan, at darating.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”
37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
by