Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 18:20-30

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.

Ruth 3:1-7

Naging Mabuti kay Ruth si Boaz

Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”

Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”

Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.

Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito.

Mga Gawa 7:17-29

17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(A) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(B) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(C) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang(D) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(E) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.