Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ruth 3:1-5

Naging Mabuti kay Ruth si Boaz

Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”

Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”

Ruth 4:13-17

13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.

Mga Awit 127

Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.

127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
    ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
    ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
    maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.

Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
    ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
    ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
    kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.

Mga Hebreo 9:24-28

24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(A) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Marcos 12:38-44

38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. 39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.”

Ang Kaloob ng Biyuda(A)

41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”