Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Ang Kayamanan at Karunungan ni Solomon
20 Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. 21 Napasailalim(A) sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay.
22 Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; 23 ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa.
24 Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. 25 Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos.
26 Si(B) Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. 27 Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. 28 Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan.
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
by