Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[b]
4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[c]
7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Iniwasan ni David si Absalom
13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. 14 Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!”
15 Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila. 16 Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo.
17 Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto. 18 Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya. 19 Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa. 20 Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.”
21 Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay,[a] sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.”
22 Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.”
Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya. 23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.
24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. 25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. 26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” 27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! 28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” 29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.
30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. 31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay(A) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. 7 Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. 8 Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.[a] 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag.[b] Kaya't sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa libingan,
at liliwanagan ka ni Cristo.”
by